Multo man  o elemento, madalas ang takutan sa mga Pinoy kapag nalalapit ang Undas. Pero paliwanag ng investigator na si Ed Caluag, maaaring magparamdam at magpakita ang mga kakaibang nilalang kahit na anong araw.

“Ang nangyayari lang kasi ‘pag ganitong papalapit na ‘yung Undas, eh mas natatakot o ‘yung imagination ng mga tao, mas malawak,” sabi ni Ed sa panayam ng GMA show "Unang Hirit."

“Nasanay na sila na kapag pumasok ang Undas, katatakutan na ‘to. Kumbaga, ‘yung collective consciousness ng [mga] tao,” pagpapatuloy ni Ed.

Ipinaliwanag ni Ed ang kaniya-kaniyang katangian ng ilan sa mga elementong nagpaparamdam o minsan ay nagpapakita sa mga tao, o nakukuhanan sa camera.

Ghost

Sa isang CCTV footage na ipinanood kay Ed, nakunan ang isang elemento na tila bata umano ang dumaan sa isang kalsada na bigla na lamang nawala.

“Ghost ‘yung ganyan kasi kung makikita mo, walang reaction ‘yung tumawid eh, so dapat nakikita niya sana ‘yun, dapat may reaction siya, so it’s a clear manifestation of a ghost,” anang paranormal expert.

Ayon sa mga alamat, ang ghost o multo ay isang aparisyon o kaluluwa ng isang yumaong tao, na pinaniniwalaang nagpaparamdam sa mga nabubuhay pa.

Poltergeist

Sa isa pang video, isa namang keyboard ang bumagsak sa sahig mula sa desk kahit na wala namang tao.

“Poltergeist ‘yan, sa punto na ‘yan, malakas ‘yan kasi kaya nang manakit ng mga ganiyang klase,” saad ni Ed.

“Kasi kung kaya niya pagalawin ‘yung keyboard, which is medyo mabigat na, kaya rin niyang itapon,” pagpapatuloy niya.

Doppelganger

Binasa rin sa "Unang Hirit" ang karanasan ng isang netizen na lumabas noon ng kuwarto para uminom ng tubig, at nakita ang kaniyang kapatid na may ginagawa.

Ngunit pagkabalik niya sa kuwarto, nakita niya ang kaniyang kapatid na natutulog pala.

Ayon kay Ed, maaaring isa itong doppelganger o isang etheric double.

“Doppleganger ‘yan, kinokopya [lang] ‘yung image ng kaniyang kapatid, or puwede rin etheric double. Nag-project lang ‘yung memories ng kaniyang kapatid na ginawa ‘yun somehow,” sabi ni Ed.

Sa dami ng mga inimbestigahan ni Ed na insidente ng kababalaghan, tinanong siya ng mga host kung nakararamdam pa ba siya ng takot? Alamin kung ano o kailan nga ba nakararamdam ng takot si Ed. Panoorin ang video.-- FRJ, GMA Integrated News