Sa tuwing binabanggit ang Sangguniang Kabataan (SK), pumapasok sa isipan ng ilang tao na sila ang mga opisyal na mahilig magpaliga o magpa-pageant sa barangay. Ngunit ano nga ba talaga ang kanilang tungkulin?
Ayon sa Local Government Code of the Philippines, ang bawat barangay ay dapat mayroong Sangguniang Kabataan na binubuo ng chairman, pitong miyembro, isang secretary, at isang treasurer.
Ang mga kakandidato sa SK ay dapat residente ng barangay nang hindi bababa sa anim na buwan, at nasa edad 15 hanggang 21.
READ: Duties and responsibilities of Sangguniang Kabataan leaders
Dapat magpulong ang mga miyembro ng Katipunan ng Kabataan kahit isang beses sa loob ng tatlong buwan, o kung magpapatawag ang chairman ng SK, o batay sa petisyon ng one-twentieth ng miyembro para talakayan ang mahalagang bagay na may kinalaman sa mga kabataan ng barangay.
Sa “Facts Talk: Balita Ko” sinabing sa ilalim ng inamyendahang Sangguniang Kabataan Reform Act, ilan sa mga trabaho ng isang Sangguniang Kabataan (SK) official ang gumawa ng Comprehensive Barangay Youth Development Plan (CBYDP); magpatupad ng mga programa at proyekto para sa mga kabataan; magsagawa ng fundraising activities sa ilalim ng CBYDP; at bumuo ng mga komite na tututok sa iba’t ibang programang pangkabataan.
Bukod dito, dapat ding may full public disclosure policy ang lahat ng transaksiyon ng SK.
Kinakailangan din nilang mag-ulat ng kanilang annual and end-of-term program accomplishments at financial reports.
Nakasaad din sa batas na hindi maaaring tumakbo ang may mga malapit na kamag-anak na kasalukuyang nakaupo sa puwesto.
Hindi rin maaaring tumakbong SK ang mga nahahatulang may kinalaman sa moral turpitude.
Nakasaad naman sa Section 430 of the Local Government Code of the Philippines na ang SK chairperson ay awtomatikong magiging ex officio member ng Sangguniang Barangay.
Tatanggap siya ng mga kaparehong pribilehiyo ng mga kasapi ng Sangguniang Barangay, at mayroon ding pro-rata honoraria sa bawat sesyon ng Sangguniang Barangay na kaniyang dadaluhan.
Gayunman, hindi na dapat tumanggap ang SK chairperson anomang honorarium mula sa regular na SK funds, maliban na lang kung pinondohan ng mas mataas na local government units.
Ang monthly honorarium na matatanggap ng SK Officials ay hindi dapat humigit sa halaga na katumbas ng Salary Grade 9 Step 1 sa salary schedule na ipinatutupad ng city o municipality na kinabibilangan ng kaniyang barangay. --Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News