Kahit walang mga braso at mga kamay, nagawa pa rin ng isang lalaki sa Concepcion, Iloilo na maging kapaki-pakinabang at hindi pabigat sa iba. Gamit ang kaniyang mga paa, kaya niyang mangarit ng buko, magbuhat ng sako ng palay, magkumpuni ng iba't ibang bagay at magmaneho ng sasakyan.
Sa kuwentong Brigada ni JM Encinas, ipinakilala ang 37-anyos na si Marjo Lardera, na kayang mag-welding, gumawa ng mga soundbox, videoke machine, electronics appliances, at pati sasakyan.
Ayon kay Lardera, pang-10 sa mga magkakapatid, inborn o ipinanganak na siyang walang mga kamay. Sa kanilang magkakapatid, siya lang ang ipinanganak na may kulang sa katawan.
Paniwala ng kaniyang pamilya, dahil sa paglilihi kaya nagkaroon siya ng depekto sa katawan. Kuwento niya, pumunta ang kaniyang ina sa tabing-dagat at manguha ng mga kabibe noong ipinagbubuntis siya.
Dito, may nakita raw ang kaniyang ina na alimasag na may malambot na bahay at nakalitaw ang sipit.
Sa halip na malungkot sa kaniyang kalagayan, nagsikap si Lardera sa buhay. Kumuha siya ng kursong social work, at nakapagtapos ng electronics sa ilalim ng TESDA.
Nang magtrabaho, kumikita siya ng P500 kada araw at nakapagpundar na ng multicab mula sa kaniyang mga raket.
Siya na rin mismo ang nagmamaneho ng kaniyang multicab sa pamamagitan ng kaniyang mga paa.
Ginagamit niya rin ito para ihatid ang kaniyang anak sa paaralan.
Kapag nasa bukid, binibisita niya ang niyog na itinanim ng kaniyang ina. Gamit ang daliri ng mga paa, sinisipit niya ang karit para makasungkit ng niyog.
Kahit walang mga braso, itinuturing pa rin ni Lardera na mapalad siya lalo na nang makilala at mapangasawa si Jenilyn. Labing-isang taon na silang kasal, at biniyayaan ng isang anak.
“Tanggap ako ni misis kung ano ang sitwasyon ko, kung ano man ‘yung mga pagsubok na dumating, haharapin namin kasi siyempre naiiba tayo. Hindi tayo ginive (give) up ni misis, ipinaglaban tayo sa mga diskriminasyon sa buhay, sa mga taong ayaw sa [aming] relasyon,” sabi ni Lardera.
Sa umpisa, hindi niya matanggap na wala siyang mga kamay.
“Actually po kasi noong una sir, mahirap po talaga sa akin kasi noong time na hindi pa ako makakapag-adjust ng sarili ko, siyempre ganito ang sitwasyon ko, tinutukso tayo ng mga kabataan. Madalas tuksuhin, madalas kantiyawan,” sabi ni Lardera.
Kalaunan, natuto si Lardera na tanggapin ang kaniyang sarili at magpasalamat kung ano ang mayroon siya.
Paliwanag ng obstetrician-gynecologist na si Dr. Joanna Marie Paulino-Morente, posibleng may limb defect o congenital amputation si Lardera noong ipanganak.
Dagdag ni Morente, sporadic o random ang kondisyon ni Lardera habang siya’y ipinaglilihi.
Sa kabila man ng kaniyang kondisyon, mapagbigay din si Lardera sa kaniyang mga ka-barangay.
“‘Yung kondisyon ko ginamit ko para maging matatag sa mga pagsubok sa buhay, pinaghuhugutan ko ng lakas. ‘Yung kondisyon ko is negative so ginamit ko siya para maging positive na impact sa akin,"pahayag niya.
"Ipinapakita ko na kahit ganito ang sitwasyon ko, nakakaya kong mabuhay, nakakaya kong buhayin ang pamilya ko. Nakakaya kong mag-stand up sa sarili kong mga paa na hindi umaasa sa iba. ‘Yung kondisyon ko is naging daan para magpatuloy ako at tumibay ako sa hamon ng buhay,” sabi ni Lardera. -- FRJ, GMA Integrated News