Marami ang naantig ang damdamin nang mag-viral sa social media ang larawan ng isang batang mag-aaral sa Negros Occidental na makikitang nakalagay sa lumang lalagyan ng pintura ang baon niya sa klase na kanin at tuyo.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na bagaman marami ang nahabag sa kalagayan ng bata na nakilalang si Angelito Juanites, marami rin ang pumuna sa kaniyang mga magulang.
Sa bayan ng Moises Padilla sa Negros Occidental natagpuan ng "KMJS" team ang pamilya Juanites, na nakatira sa isang maliit na kubo na gawa sa kawayan.
Ayon sa ama ni Angelito na si Alemar, hindi sa kanila ang lupa na kinatitirikan ng kanilang kubo. Wala ring maayos na palikuran ang pamilya, at walang kuryente dahil hindi sapat ang kaniyang kinikita na P200 sa pagtatabas ng tubo.
Wala namang trabaho ang misis ni Alemar na si Gemma, pero kung minsan ay tumutulong siya sa kaniyang asawa sa pagtatabas ng tubo.
Kasama nila sa payak nilang tahanan ang tatlo pa nilang anak, na kinabibilangan ng dalawa pang bata, at ang ate ni Angelito na si Angelita, na grade 2.
Ayon kay Angelito, grade 1 pupil, isang beses lang niya ginamit ang lumang lalagyan ng pintura na ginawa niyang baunan nang araw na may kumuha ng nag-viral na larawan.
Napag-alaman na tabo nila sa bahay ang naturang lalagyan ng pintura.
Nang araw na gamitin ni Angelito ang tabo bilang baunan, wala raw noon ang mag-asawa sa bahay kaya hindi nila alam na doon inilagay ang bata ang kaniyang baon na pagkain.
Pag-amin ni Gemma, nasaktan siya sa masasakit na komento ng ibang netizen dahil hinusgahan kaagad sila.
Ayon kay Alemar, may maayos naman na baunan ang magkapatid pero isa lang ito. Kaya nagsasalo sina Angelito at Angelica sa nag-iisang baunan.
Pero hindi lang sa baunan nagsasalo ang magkapatid. Dahil kapos sa pera, isang t-shirt lang ang gamit na pamasok ni Angelito. Kaya kung minsan, ang pinagliitang blouse ni Angelita ang isinusuot ni Angelito sa paaralan.
Naawa man sa kalagayan ng kaniyang mga anak, pero aminado si Alemar hindi niya kayang bumili ng gamit ng mga bata dahil sa kanilang kahirapan.
Kung minsan, sinabi ni Gemma, na sinisisi nila ang kanilang sarili dahil hindi nila maibigay sa mga anak ang kanilang hinihingi.
Mas kailangan daw kasi nilang unahin ang pambili ng kanin upang mayroon silang makain. At kahit na may kanin, ang halos araw-araw naman nilang ulam, inihaw na tuyo.
Sa kabila nito, natutuwa si Alemar na hindi niya narinig ang mga bata na magreklamo dahil kahit papaano ay nakararaos sila.
Si Angelito, sinabing gusto niyang matikman ang pritong manok.
Kuwento ni Gemma, minsan sila nakatikim ng pritong manok na limang piraso nang bigyan sila ng ninang ni Angelica dahil birthday nito.
"Nung nakita yung fried chickenn sobrang saya ko. Nang pagtikim, masarap talaga siya," sabi ni Gemma. "Minsan lang kami nakakain dahil mahal."
Kasama sa ipinagdadasal ni Gemma ay makakain sila ng tatlong beses sa isang araw pero hindi raw sana puro tuyo ang kanilang ulam.
At dahil walang kuryente sa kanilang bahay, tanging gasera ang nagiging liwanag nina Angelito at Angelita kapag nag-aral sila sa gabi.
Sabi ni Angelito, pangarap niyang maging guro kapag lumaki na siya para makapagturo.
Sakabila ng kanilang kalagayan sa buhay, igagapang daw nina Alemar at Gemma ang pag-aaral ng mga bata dahil nais nilang makapagtapos ang mga ito.
"Pinag-aaral po namin kahit mahirap lang po kami. Para naman kahit mahirap lang, mayroon namang maipagmalaki ang mga anak ko," sabi ni Alemar.
Bagaman nakatanggap sila ng masasakit na salita at kaagad nahusgahan dahil sa nag-viral na larawan ni Angelito na kumakain sa lumang sisidlan ng pintura, nagpapasalamat na rin si Alemar dahil kahit papaano at nakita ng mga tao ang kanilang tunay na kalagayan sa buhay.
Dahil dito, may mga taong tumulong sa kanila, na kahit si Alemar, hindi napigilan ang sarili na maluha. Tunghayan ang kanilang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS." -- FRJ, GMA Integrated News