Kung dati ay pira-piraso lang ng piniritong leeg ng manok ang naibebenta ng magkaibigang nagsosyo sa negosyo sa San Pablo, ngayon, kilo-kilo na ito at kayang kumita ng P150,000 hanggang P200,000 kada buwan.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ng magkaibigang Jano Lacanilao at Jimbel Sahagun, na nasa likod ng negosyong Motoneck, na nag-umpisa lang sila noon sa pagtitinda ng barbeque.
Hanggang sa may nagtanong kung may kanin sila o dine-in kaya nagbukas sila ng maliit na "silogan." Kinalaunan, napunta na sila sa pagpiprito ng leeg ng manok na gawa mula sa kanilang sariling breading na mas pinasarap ng kanilang signiture na sawsawan na suka.
Pero hindi rin naging madali para sa magkaibigan ang pagsikat ng kanilang pritong leeg ng manok. Bukod sa nagkaroon na sila ng mga kakompitensiya, may pagkakataon din na nahahaluan ng lumang leeg ang kanilang paninda.
Ang mga naturang pagsubok o problema, nagsilbing aral sa magkaibigan para lalo pang ayusin ang kanilang produkto. Ngayon, kilo-kilong leeg na ng manok ang kanilang itinitinda na umaabot umano sa 90 kilo na breading ang kanilang nauubos bawat araw.
Mula sa kanilang puhunan noon na P35,000, ngayon, hati rin ang magkaibigan sa kanilang kinikita. Malaking tulong daw para para maitaguyod nila nang maayos ang kani-kanilang pamilya.
Paano nga ba gumawa ng simple pero masarap na crispy chicken neck? Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News