Sa halip na mawala, lalong dumami ang taghiyawat ng isang babae matapos niyang ipahid sa kaniyang mukha ang isang cream na kaniya lang binili. Ano nga ba cream na ito at ligtas ba itong gamitin?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Katrina Son, sinabing taong 2019 nang makaranas ang 25-anyos na si Jeraldine Orsabia ng malalang taghiyawat, na nagsimula sa tainga hanggang sa kumalat sa kaniyang mukha.
“Nawala na po ‘yung confidence ko sa sarili ko. Nahiya na rin po akong lumabas ng bahay kasi pinagtitinginan ‘yung mukha ko,” sabi ni Orsabia.
Ilan sa kaniyang mga sinubukan para mawala ang kaniyang taghiyawat ang pagdudurog ng dahon ng malunggay at pagpapaalbularyo.
Ngunit mas lumala lang ito at dumami pa ang mga nana na nagsusugat.
Matapos namang lumapit sa health center, hindi niya nabili ang niresetang pamahid at gumamit na lang ng mas murang cream.
Napansin ni Orsabia na natanggal ang mga sugat sa mukha sa unang gabi na pinahid niya ang cream. Ngunit kalaunan, lalo lang dumami ang kaniyang taghiyawat.
Ipinaliwanag ni Dr. Mary Darice Wong, ang dermatologist na sumuri sa kalagayan ngayon ni Orsabia, na maaaring naranasan ng dalaga ng tinatawag na rebound phenomenon.
Ang kaniya namang cream na ginagamit, napag-alamang may ketoconazole at clobetasol, na isa pinakamatapang na pamahid na steroids.
Posibleng na-immune umano ang balat ni Orsabia kaya hindi na ito naging epektibo.
Ayon sa Food and Drug Administration, rehistrado naman ang pamahid na ginagamit ni Orsabia, ngunit nakasaad na isa itong prescription drug o kinakailangang may gabay at reseta ng duktor.
Itinigil na muna ni Orsabia ang paggamit ng kaniyang cream para hindi na lumala ang kaniyang problema sa mukha.
"Hindi po ito puwedeng gamitin sa mga kati-kati o nang sarili lamang na pagpahid. Hinding-hindi po siya puwedeng gamitin para sa mukha," sabi ni Wong. -- FRJ, GMA Integrated News