Hindi akalain ng chef na si Alex Ambrocio sa Caloocan City na ang simpleng pag-post niya ng nilutong crispy pata ang magiging daan para makapagtayo siya ng negosyo at tumigil na sa pamamasukan sa mga restaurant.
Sa programang "Pera Paraan," ikinuwento ni Alex na nagdalawang-isip na siya na bumalik sa trabaho bilang chef sa restaurant matapos ang pandemic.
Bukod kasi sa napansin niya na walang pagbabago sa kaniyang karera, hindi niya rin napaglalaanan ng sapat na panahon ang kaniyang pamilya dahil sa nauubos ang kaniyang oras sa trapik sa pagpunta sa trabaho at pag-uwi.
Hanggang sa isang araw, nagluto siya ng crispy pata sa bahay na pang-ulam.
"Nagsimula 'yan tatlong crispy pata lang talaga, kumbaga pang ulam lang namin. Pagkaluto ng crispy pata pinost uli namin siya, 'O sino may gusto ng crispy pata?' May nagkaroon ng interes. 'Magkano 'yan ganyan?' Binili agad, tatlong piraso," kuwento ni Alex.
Ang tatlo piraso, naging lima, sampu, at nagtuloy-tuloy na.
Dahil marami na ang umuorder, at marami ring kakompitensiya online na naglalako ng crispy pata, nag-isip si Alex na lagyan ng twist sa kaniyang produkto.
Gumawa siya ng buttered garlic crispy pata, at nasundan na rin ng chili garlic crispy pata.
Ang crispy pata niya na nagsimula sa tatlong order, ngayon, umaabot na raw sa 40 hanggang 50 piraso kada araw.
Ang presyo ng crispy pata ni Alex, nasa P630 hanggang P830 depende sa laki. At ang kaniyang kita, umaabot sa P5,000 hanggang P10,000 kada araw.
Papaano nga ba ang tamang pagluto ng malutong na cripsy pata? Panoorin ang video. -- FRJ, GMA Integrated News