Habang nagkakape at milk tea sa isang coffee shop, biglang naisipan ng magkakaibigan na magtayo sila ng negosyo. Ang naisip nilang negosyo, tungkol sa milk tea at kape rin-- ang Juan Cafe. At wala pang isang taon, umabot na sa 178 ang kanilang brach sa buong bansa.
Sa programang Pera-Paraan, ikinuwento ni James Casimero na natigil siya sa pag-aaral noong nasa kolehiyo dahil sa kahirapan.
At dahil hindi nakapagtapos ng kolehiyo, nahirapan din siyang makahanap ng trabaho. Hanggang makapagtrabaho siya bilang call center agent ng ilang taon.
Naisipan din niyang magnegosyo ng online selling pero hindi naman lumago.
Hanggang sa ang tagumpay, nakamit niya sa biglang naisip nilang magkakaibigan habang nagkakape.
"Kami po ay group of friends na talagang mahilig lang sa milk tea and coffee. All of the sudden lang habang kami po ay nagkakape sa isang coffee shop, bigla na lang po namin naisipan na, 'why not magtayo tayo ng isang milk tea or coffee shop na sarili na natin'?," balik-tanaw ni James na may-ari ng Juan Cafe.
Dahil walang sapat na pondo, humingi sila ng tulong sa mga kakilala hanggang sa makalikom ng P150,000 para simulan nilang itayo ang kanilang pangarap.
Noong nakaraang Nobyembre, nabuksan nila ang una nilang branch ng Juan Cafe, at kinagat ng masa dahil sa abot-kaya nitong presyo.
Pagkaraan lang ng isang buwan, nagbukas na sila ng prangkisa dahil sa dami ng mga nagtatanong. Kaya naman wala pang isang taon, umabot na sa 178 ang kanilang branch sa buong bansa.
"As of today, kumikita po ng around P5 million to P10 million in gross sales ang Juan Cafe. Overall na po ito sa buong company na," ayon kay James.
"Sobrang saya po namin at the same time parang nao-overwhelm pa rin hanggang ngayon kasi parang kailan lang is [may] struggle kami financially," dagdag pa niya. -- FRJ, GMA Integrated News