Sa halip na malinis na tubig, methane gas na nagagamit na pangluto ang bumulaga sa isang pamilya sa San Carlos City, Pangasinan nang magpahukay sila sa kanilang lote. Pero ligtas kaya nila itong gamitin?

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho,"  ikinuwento ni Pedro Echegorin III, residente ng Calomboyan, na nito lang nakaraang Enero nila nadisubre ang sumisingiw na gas mula sa ilalim ng lupa.

Kuwento niya, nagpahukay sila at nagbaon ng tubo sa ilalim ng lupa para ayusin ang koneksyon ng tubig sa kanilang bahay.

Ayon sa tuberong si Alvin Macaraeg, nagbutas sila ng pitong tubo na 140 talampakan ang lalim, at dinagdagan pa nila ng isang tubo ngunit hindi na nila ito kayang ibaon.

Hanggang sa bumulwak na ang tubig na malapit sa ibinaon nilang tubo. Pero kung dati ay isang bahagi lang lumitaw ang bumubulwak na lupa, lumaki ito at halos 80 porsyento na ng 2,700 square meters na lupain nina Echegorin ang tila kumukulo.

Hanggang sa may biglang hangin na lumabas, at napagtanto nina Echegorin na posibleng may gaas ang hanging lumalabas mula sa bumubulwak na tubig.

Matapos nilang subukan na lagyan ng apoy ang hangin, nakumpirma nila na gas nga ang nasa ilalim ng lupa.

Upang mapakinabangan ang gas, kumuha si Enchegorin ng container, binutasan sa itaas at nilagyan ng hose. Nang i-tap sa kalan, nagkaroon na sila ng lutuan na ipinapagamit din nila sa mga kapitbahay.

Kaya naman nakatipid na sa gastusin sa petrolyo ang mga nakikiluto sa unli-kalan nina Enchegorin.

Pinuntahan naman ng San Carlos City Fire Station ang lote nina Echegorin at nilagyan ng yellow lane para makontrol ang pagpasok ng mga tao habang wala pang pinal na abiso mula sa Department of Energy.

Sa inisyal na pagsusuri ni Engineer Renante Sevilla, Director ng DOE – Luzon Field Office sa lupain nina Echegorin, lumabas na marsh gas ang lumalabas na hangin sa ilalim ng lupa.

Kadalasan itong nakikita sa mga marsh land o swamp land, at mga gilid ng ilog kung saan may nabubulok na mga halaman at mga puno at iba pang biological matters.

“The composition is CH4 for methane gas. Puwede siya for cooking, marami nang mga existing. Sa Mindanao ‘yung pinakamalaki. They are right now in the process of doing study din po para ma-harness ‘yung area,” sabi ni Sevilla.

Tunghayan sa KMJS kung ligtas naman kayang gamitin ang marsh gas bilang panluto at pansaing ng mga residente, at posible rin kaya itong gamitin sa power plant electricity generation. Panoorin ang video. -- FRJ, GMA Integrated News