Kung ang mga bagong motorsiklo ay nagkakahalaga ng mula P25,000 hanggang P100,000, sa isang dating junk shop sa Caloocan, may mga "repo" o repossessed, o segunda-manong motorsiklo na puwede raw mabili lang ng mula P4,000 hanggang P10,000.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing bukod sa mga "hinatak" na motorsiklo, makakabili rin sa naturang dating junk shop ng mga piyesa ng motorsiklo na bagsak-presyo rin.

Si Eden Aruta na may junk shop din, bumili ng dalawang repo na motor na nagkakahalaga ng tig-P5,000 ang isa, o P10,000 para sa dalawa.

Hindi umaandar ang dalawang motor nang kaniyang nabili. Pero ipinaayos nila ito sa halagang P2,000, at ngayon ay nagagamit na nila sa kanilang negosyo.

“Masaya po kami kasi naisip po namin meron po kaming magagamit para sa business,” sabi ni Eden.

Samantala, dumiskarte rin si Abner Suerte Suerte, na mayroon ding junkshop at bumili ng mga repo na motor na isinalang din niya sa buy and sell.

Sa puhunan na P365,000, bumili siya ng 165 units ng repo na motor na P2,200 kada unit. Ang tubo niya sa mga nakuhang motorsiklo umabot sa P700,000.

“Sa ngayon wala namang complaint na bumabalik sa akin. If ever naman puwede ko namang palitan kasi ‘yun naman ang aming agreement,” sabi ni Suerte pagdating sa pagbebenta ng motorsiklo.

Ang ibang motorsiklo, chinop-chop o pinagpira-piraso niya ang spare parts at ibinenta rin sa mas murang presyo kumpara sa mga bago.

Ang ibang parte naman, ginamit nila para makabuo ng motor na ipinagamit niya sa kaniyang mga tauhan.

Ang pinagbilhan ng mga motorsiklo nina Eden at Suerte, ang dating junkshop na naging tindahan na ng repo na motor na pagmamay-ari ng pamilya nina Paneng Nocom.

Nag-level-up mula sa pagiging junk shop ang negosyo ng ina ni Necom, nang madiskubre nila ang pag-buy and sell ng mga repo na motorsiklo.

Ayon kay Nocom, nanalo ang kaniyang ina sa bidding ng mga hakot na re-possessed, at pumatok ito. Dito na nila sinimulan ang full-time business na pagbebenta ng motor.

Patiyak ni Necom, mayroong OR/CR, certification from company, at deed of sale, ang mga ibinibenta nilang motorsiklo.

Dahil sa pagbebenta ng repo na mga motorsiklo ng kanilang pamilya, naka-graduate si Paneng ng kolehiyo at nakabili pa ng mga brand new na motor, sasakyan at truck.

Tunghayan sa video ng "KMJS" ang mga paalala ng mga eksperto hinggil sa pagbili ng mga repo na motorsiklo.-- FRJ, GMA Integrated News