Ikinagulat ng marami ang napabalitang pagkamatay ng isang 35-anyos na babae sa Amerika matapos siyang uminom ng dalawang litro ng tubig sa loob ng 20 minuto. Nakasasama nga ba sa katawan ang sobra-sobrang pag-inom ng tubig?
Sa programang “Pinoy MD,” ipinakita ang pahayag ni Devon Miller, kapatid ng babaeng biktima, na buong weekend raw na namangka ang babae sa isang lawa sa Indiana nang makaramdam siya ng matinding dehydration.
Dahil dito, mabilis na nakaubos ng babae ng halos dalawang litro ng tubig. Gayunman, posibleng nakaranas umano ng water intoxication ang biktima dahil sa kaniyang ginawa.
Ipinaliwanag ni Dr. Gerald Belandres, na ang water intoxication ay ang pagbaba ng sodium o alat sa katawan ng isang tao.
“Ang katawan ng isang tao, meron talaga tayong mga sodium o alat, ‘yung asin, at ang tubig. Once naipag-mix mo kasi sila, siyempre matutunaw ‘yung asin and then siyempre lalabnaw ‘yung isang water. Minsan kailangan natin ng asin na ito para at least mag-hold ng water sa ating katawan,” sabi ni Belandres.
Ngunit dahil sa bilis at dami ng ininom na tubig ng babae, nabigla ang kaniyang katawan.
Ayon pa kay Belandres, kailangan lamang makapag-filter ang kidney o bato ng isang litrong tubig sa loob ng isang oras.
“Once madaming tubig ang makapasok sa ating katawan in a small time frame lang na nangyari rin ito, puwede kasing mawala at bumaba ‘yung sodium sa ating katawan. Once na bumaba ang sodium sa ating katawan siyempre madi-dilute ‘yung alat ng ating katawan, mamamaga na ‘yung ating organs,” anang doktor.
Hyponatremia ang tawag sa abnormal na pagbaba ng sodium sa katawan dahil sa labis na tubig o fluid. Dahil sa electrolyte imbalance, hindi na kayang kontrolin ng katawan ang sobrang tubig at lalabas ito sa tissues, kaya mamamaga ang ibang organs, lalo ang utak.
Sa pag-inom ng tubig, kailangan din umanong ikonsidera ang kidney ng isang tao.
Payo ang mga eksperto, laging pakiramdaman ang katawan, lalo kung maraming nainom na tubig sa isang upuan.
Ilan sa sintomas na mararamdaman sa labis na pag-inom ng tubig ay pagkahilo, pananakit ng ulo, mataas ang blood pressure, panlalabo ng paningin at panghihina.
Makatutulong din kung may eksaktong sukat ng tubig na iniinom sa isang araw. Ayon sa mga eksperto, hindi dapat lumampas ng isang litro kada oras ang iniinom na tubig ng isang tao.
Kung dehydrated naman, puwedeng uminom ng mga inumin na may karagdagang electrolytes para ipalit sa tubig para mabalanse ang minerals at fluids sa katawan.
Para sa dagdag na kaalaman tungkol sa pag-inom ng tubig, panoorin ang buong talakayan sa video.-- FRJ, GMA Integrated News