Mula sa simpleng libangan, kinarir [career] na ng ilang content creator ang paggawa ng Tiktok videos at Facebook reels dahil puwede raw kumita rito ng malaki. Paano? Alamin.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” itinampok ang content creator na si Jose Mulleda Jr., na isang product specialist sa isang mall na nawalan ng trabaho noong kasagsagan ng pandemya.
Kalaunan, natuklasan ni Mulleda na maaaring kumita sa paggawa at pag-upload ng video sa YouTube. Kaya gumawa siya ng mga video tutorial tungkol sa troubleshooting sa cellphone.
Una siyang kumita ng P8,112 sa pagiging content creator, hanggang sa malampasan na nito ang kaniyang sinasahod sa kaniyang trabaho.
Dahil dito, nagpasiya si Mulleda na maging isang full-time short video o Facebook reels creator na.
Mula sa paggawa ng 60 hanggang 90 seconds na short videos at nasa limang minutong mas mahahabang videos na may ads o patalastas, unang kumita si Mulleda ng P7,900, at naging P97,000 sa pangalawang buwan.
Hanggang sa ang kaniyang sumunod na suweldo o kita, umabot ng P290,000.
Dahil sa kaniyang kita, nakabili na si Mulleda ng motor, at nakapag-invest ng bahay at lupa.
“Dati po talaga wala kaming oras, puro trabaho ang ginagawa namin, kapos pa rin ang kinikita namin. Dahil sa Facebook reels mas marami na po akong oras sa pamilya,” sabi ni Mulleda.
Si John Limuel Huet naman ng Pasay, kumita ng P70,000 sa loob ng tatlong linggo nang mag-live sa Tiktok kasama ang kaniyang kaibigan na si Balong.
Bago nito, nakilala na siya noon pang 2015 bilang miyembro ng Bakla Ng Taon.
Nang magTiktok live nitong nakaraang buwan na may suot na wig, may mga nagsend kay Huet ng virtual "gifts."
Kalaunan, na-engganyo na rin siyang gawin ang nauusong artificial intelligence live.
Sa isa hanggang dalawang oras na pagla-live, nakalilikom sina Huet ng gifts na katumbas ng P7,000 hanggang P16,000. At sa loob lamang ng tatlong linggo, nakaipon na siya ng tumataginting na P70,000 na kanilang pinaghatian.
Ang content creator naman na si Jayvee Martinez, nakita ang potensyal ng Facebook reels para ma-market ang kaniyang e-commerce business. Ngunit aminado siya na dumaan muna siya sa ilang pagsubok.
Gumawa siya ng tutorial videos kung paano gumawa ng reels, hanggang sa ma-monetize na ang kaniyang account, at nakatatanggap na ng suweldo mula sa kaniyang unang in-upload.
Ayon sa internet marketing specialist na si Janette Toral, may katumbas na incentives ang dami ng views sa reels, dahil maaaring magpadala ang viewers ng Facebook stars na may katumbas na $.01.
“Tatlo ang requirements. Kailangan maging kilala ka sa isang topic. Pag-isipan mo kung ano ‘yung mga maaari mong i-discuss tungkol sa topic na ‘yon na kaya mong i-discuss in one minute,” payo ni Toral.
“Ang pangalawang challenge mo, is paramihin mo ang views niya. ‘Yung third ‘yung monetization. ‘Yung mga taong nanonood ng video, they are there because they want to learn and they want to be entertained. Kaya kailangan talaga maging mas responsable tayo sa ating content,” dagdag ni Toral.
Alamin sa video ng “KMJS” ang payo naman ng isang professional certified coach ang pros at cons ng freelancing. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News