Labis ang pagpapalang natanggap ng isang mag-asawa matapos magsilang si misis ng hindi lang isa o kambal, kundi ng quadruplets. Ano nga ba ang mga pagsubok na kaniyang hinarap noong ipinagbubuntis niya ang mga ito, at ang hirap sa pag-aalaga sa kanila nang sabay-sabay?
Sa kuwentong Brigada ni Bernadette Reyes, ipinakilala si Hanna Quiem, ina ng quadruplets na sina Yanna, Yash, Yani at Yin.
Nalaman ni Quiem na quadruplets ang kaniyang ipinagbubuntis noong magtatatlong buwan na ang mga ito.
Naging pagsubok ang pagbubuntis ni Quiem, lalo noong tumuntong na ng limang buwan ang kaniyang quadruplets.
Doon na siya nahirapang huminga at hinihingal, naging maselan sa pagkain, at nabibigatan sa kaniyang tiyan.
Namayat din si Quiem.
“Magkakaiba sila ng [sipa]. May gumagalaw sa kanan, may gumagalaw sa kaliwa. Kapag gumalaw ‘yung isa gagalaw ‘yung lahat,” sabi ng ginang.
Sa kabila ng hirap, nariyan ang kaniyang partner na si Francis Endaya na all-out ang pagsuporta kay Quiem.
“Pag-uwi, tulong sa pag-aalaga tapos pahinga saglit. Gising po ulit ng madaling araw,” sabi ni Endaya.
Walong buwan nang buntis si Quiem nang makaramdam siya ng pananakit ng tiyan. Agad isinagawa ang emergency cesarean delivery dahil apat ang kaniyang dinadala.
Kulang sa buwan na inilabas ang mga sanggol, kaya hindi sila sabay-sabay na nakalabas ng ospital.
“Natakot ako noong una kasi ang liliit nila. Ngayon nakikitaan ko naman sila ng improvements, nagge-gain naman ang weight nila,” sabi ni Quiem.
Ayon kay Quiem, nasa lahi nila ang pagkakaroon ng kambal.
Isang buwan mula nang ipanganak ang quadruplets, nanatili sa neonatal intensive care unit si Baby Yanna upang magpalakas dahil maliit ang kaniyang pangangatawan.
Bago ang quadruplets, may nauna nang tatlong anak si Quiem na pawang mga single delivery.
Tunghayan sa Brigada ang hamong hinaharap nina Quiem at Endaya sa pag-aalaga sa kaniyang quadruplets, kabilang ang pagpapaligo hanggang sa pagpapatahan. — VBL, GMA Integrated News