Sa edad na 13, pumanaw ang batang si Niña Ruiz-Abad dahil sa sakit sa puso. Pero sa mura niyang edad, nakita ang kaniyang kabutihan at matinding pananampalataya at debosyon sa Eukaristiya.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing naghahanda na ang Diocese of Laoag, Ilocos Norte para imbestigahan ang buhay ni Niña, na bahagi ng mahabang proseso sa pagsusulong na maging isa siyang santo.

Taong 1993 nang pumanaw si Niña sa edad na 13, dahil sa sakit sa puso.

Ayon sa Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP), inaprubahan sa episcopal conference na ginanap sa Diocese of Kalibo ang pagsisimula sa proseso para maideklarang santo si Niña.

Kahit bata lang, namamahagi na umano noon ng mga rosaryo, Bible, prayer books, holy images, at ibang religious items si Niña.

Ayon kay Bishop Renato Mayugba ng Diocese of Laoag, humiling na buksan ang sainthood cause para kay Niña, na isang magandang halimbawa sa kabataan ang buhay at pananampalataya ni Niña.

“Niña’s life was a prayerful life full of reverence, worship and intimate relationship with God, Jesus Christ, the Holy Spirit and to the Blessed Virgin Mary,” ani Mayugba.

Isinilang si Quezon City si Niña, pero kinalaunan ay lumipat sila ng kaniyang pamilya sa Sarat, Ilocos Norte.

Secord year high school si Niña nang pumanaw pero tumatak na umano ang kaniyang kabutihan at kababaang-loob.

Nakilala rin umano si Niña bilang batang babae na laging may suot na rosaryo.

Inilipat na umano ang mga labi Niña sa isang pribadong mausoleum bilang bahagi ng gagawing imbestigasyon.

Unang hakbang ito sa mahabang proseso bago ang potensiyal na beatification at canonization na isinasagawa sa mga idinideklarang santo.

Ayon sa ulat, tumanggi na munang magbigay ng pahayag ang pamilya ni Niña.--FRJ, GMA Integrated News