Aminado man sa sarili na isang “tamad,” nagsumikap ang isang binatang estudyante na abutin ang kaniyang pangarap na magkaroon ng sariling negosyo para matulungan ang kaniyang mga magulang. Kaya naman sa edad na 21, mayroon na siyang sariling coffee shop business na umaabot ng P15,000 kada araw ang kita.

Sa programang "Pera Paraan," ipinakilala si Mon Ivan Mendoza, na nagsimulang magbenta ng kape na may presyong abot-kaya nito lang Pebrero.

“To be honest hindi talaga ako mahilig sa kape. Siyempre gawa ng business-minded ako talaga, ‘yun ang pinili ko kasi nakikita ko na malakas ngayon ang coffee,” sabi ni Mendoza.

Ngunit dahil estudyante pa lamang siya at walang sapat na pera para simulan ang naiisip na negosyo, nanghiram ng P15,000 si Mendoza mula sa isang kaibigan para sa puhunan sa kaniyang cold brew business.

Ayon kay Mendoza, kasama na sa P15,000 ang isang buwan niyang trial and error gaya ng mga nasayang at mali niyang nabili na syrup at beans.

Malayo sa kurso niyang communication ang kaniyang pagnenegosyo. Samantala, nakita niya ring mahal ang enrollment para maging isang barista, kaya nanood na lang siya sa YouTube ng mga video hanggang sa matuto siya.

Dumaan na rin sa mga pagsubok si  Mendoza, nang minsang mapanis ang nasa 50 bote niya ng kape.

Kahit na nalugi, hindi nawalan ng kumpiyansa si Mendoza na sumubok muli, ngunit mayroon na siyang strategy.

Gamit ang cart na ginamit din ng kaniyang ina sa paghahanapbuhay noon, nabuo ang kaniyang pop-up coffee shop.

Bago nito, iba’t ibang raket na rin ang pinasok ni Mon, gaya ng pagiging football coach sa mga bata, phone photography, buy and sell, paint job, at delivery rider.

Pursigido na si Mendoza na kumita sa murang edad, dahil sa hirap sa pera na dinanas ng kaniyang pamilya.

Walang permanenteng trabaho sa kasalukuyan ang kaniyang ina at pumapasok din sa iba’t ibang raket, samantalang nawalan din ng trabaho ang kaniyang tatay kaya pumasok ito bilang delivery rider.

Tumigil din sa pag-aaral ang kaniyang bunsong kapatid.

Kaya naman malaki ang naitutulong ng cold crew business ni Mendoza sa mga pangangailangan ng kaniyang pamilya. Kung minsan, si Mendoza na ang nagbabayad ng bigas, groceries, ilaw at nagdadagdag sa renta sa bahay.

“Masaya kasi noon ko pa naman pangarap ‘yun. Bata pa lang ako nasa utak ko na balang araw kapag nagkapera ako, tutulong ako sa family. Kasi marami silang sinacrifice para sa aming magkakapatid, kaya gusto kong bumawi sa kanila,” sabi ni Mendoza.

Nag-viral din si Mendoza sa social media, kung saan ikinukuwento niya sa kaniyang mga video ang mga ganap niya sa maghapon bilang isang small business owner, at kung paanong ang isang tamad ay gumagawa ng paraan para matupad ang kaniyang pangarap.

“Ako si Mon. Tamad ako pero may pangarap ako,” sabi ni Mendoza sa kaniyang mga video.

Maraming nakare-relate kaya umaabot ang kaniyang mga video ng milyong views. Marami rin siyang nai-inspire na tao kaya marami ang gumagaya sa kaniyang mga video.

Matapos makilala sa social media, lumaki rin ang kita ni Mendoza sa negosyo, na P8,000 hanggang P15,000 kada araw.

Nakilala ng netizens si Mendoza sa paulit ulit na sinasabi na tamad pero may pangarap.

“Umahon ang family ko sa situation namin ngayon na nahihirapan. Magkaroon ng sariling bahay, lupa, lahat. Lahat ng wala kami noon, gusto kong magkaroon kami ngayon. ‘Yun ang pangarap ko, laging family ko and sarili ko,” sabi ni Mendoza.


--FRJ, GMA Integrated News