Maraming netizens ang humanga sa magkapatid na sina Riel at Rica Gutierrez na magkasunod na nagtapos sa Ateneo de Manila University na parehong cum laude. Pero para sa kanila, ang pagkilala ay dapat na ibigay sa kanilang mga magulang na si Ricky at Elma, na parehong janitor sa nasabing unibersidad.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento nina Ricky at Elma ang ginawa nilang pagsisikap para mabigyan ng magandang edukasyon ang kanilang mga anak.
Taong 2019 nang magtapos si Riel sa kursong psychology, habang ngayong taon naman nagtapos si Rica sa kursong management economics.
"Sa lahat ng paghihirap na mararanasan namin talagang binibigay namin 'yung buong puso naming pagtatrabaho para sa magandang edukasyon din po nila," ani Ricky.
Natutuwa naman ang mag-asawa na sinuklian ng kanilang mga anak sa pamamagitan ng ibayong pag-aaral ang ginawa nilang pagsisikap.
Taong 1995 nang nagkakilala sa simbahan sina Ricky at Elma, at doon na rin sila nagkatuluyan. Nang mabuntis si Elma, pumasok bilang sale's clerk sa cafeteria sa Ateneo si Ricky para masuportahan ang magiging anak nila.
Kinalaunan, inalok si Ricky na magtrabaho bilang janitor sa unibersidad at kaniya namang tinanggap.
Kahit maliit lang ang kita, ang inisip umano ni Ricky ay pagbutihin ang trabaho para sa kaniyang pamilya. Taong 2009 naman nang magkaroon ng pagkakataon si Elma na pumasok na rin bilang janitor sa Ateneo.
Nang mag-isa pa lang na nagtatrabaho noon sa Ateneo si Ricky, 65% lang ang scholarship na nakuha ni Riel, kaya kailangan pa ring tustusan ng mag-asawa ang 35% na gastusin ng pag-aaral ng kanilang anak.
Kuwento ni Riel, noon pa man ay alam na niya na iba ang estado ng buhay niya kumpara sa kaniyang mga kaklase. Gaya halimbawa sa krayola na 128 na piraso at imported ang mga gamit ng kaklase niya, habang walong piraso lang ang sa kaniya na locally made.
Gayunman, hindi raw iyon naging balakid sa kaniyang pag-aaral. Sa halip, ito ang ginawa niyang motibasyon para lalo pang magsikap.
Nagpapasalamat din si Riel na hindi niya naranasan sa kaniyang mga naging kaklase ang diskriminasyon dahil sa pagiging janitor ng kaniyang mga magulang.
Nang makapagtrabaho na rin si Elma bilang janitor, naging full scholar naman si Rica dahil dalawa na silang mag-asawa na nagtatrabaho sa unibersidad.
"Salamat, anak, sa pagtatiyaga ninyo," ani Elma. "Naiintindihan ninyo kami ni Papa ninyo kung bakit ito 'yung naging sitwasyon natin ngayon. Salamat at talagang 'yung determinasyon ninyo sa pag-aaral para maabot itong tagumpay na 'to. Maraming salamat."
Sa isang private company ngayon nagtatrabaho si Riel. Habang si Rica, sumabak na rin kaagad sa trabaho sa isang bangko ilang linggo matapos na maka-graduate.
Ani Riel, nais niyang maging maginhawa ang buhay ng kanilang mga magulang. Kaya naman ibinibigay niya ang mga kaya niyang ibigay ngayon.
Pero kahit may mga trabaho na sina Riel at Rica, tuloy pa rin si Ricky at Elma sa pagiging janitor dahil may kambal pa silang nag-aaral na sina Renzo at Enrico, na grade 9 ngayon sa nasabi ring unibersidad.
Pag-amin ng kambal, may pressure silang nararamdaman pero gagawin daw nila ang kanilang makakaya upang mapantayan kung hindi man malampasan ang nakamit ng kanilang kuya at ate.
At dahil hindi pa raw nagkaroon ng big celebration ang pamilya Gutierrez sa kabila ng tagumpay nina Riel at Rica, may inihandang sorpresa sa kanila ang "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News