Parang anak na mawawalay na iniyakan ng isang babae sa Arayat, Pampanga ang alaga niyang unggoy na si "Muyo" na nabili niya sa kalsada noong bata pa lang ang hayop .
Sa isang episode ng "Born To Be Wild," pinuntahan ng host na si Doc. Ferds Recio si Rosalina Flores sa Pampanga, dahil nais na niyang i-surrender si Muyo na nagiging agresibo na umano nitong nakalipas na mga buwan.
Katunayan, maging si Rosalina ay kinagat ni Muyo nang minsan itong makawala sa pagkakadena sa kaniyang baywang.
"Marami kami diyan naging wild siya. Hinuhuli namin siya, lalagyan namin ng kadena. Tapos nagalit siya kasi marami kami," kuwento ni Rosalina, nakagat sa magkabilang kamay.
Nang puntahan ni Doc Ferds si Rosalina, nagpakita na agad ng pagiging agresibo si Muyo sa pamamagitan ng pag-angil nito habang nakasampa sa balikat ng kaniyang amo.
Ayon kay Doc Ferds, itinuturing pag-aari ni Muyo si Rosalina kaya nagpapakita ng agresibo ang unggoy kapag may kaharap na ibang tao ang kaniyang amo.
Taong 2020 nang mabili umano ni Rosalina si Muyo sa kalsada dahil na rin sa naawa siya sa hayop.
Sa pananatili ng unggoy sa bakuran nina Rosalina, isang pusa ang nagmistulang kaibigan ni Muyo na kaniyang kinukutuhan.
Pero bukod sa pagiging agresibo, sinabi ni Rosalina na nais na niyang i-surrender si Muyo dahil naawa siya sa hayop na nauulanan sa labas, at wala ring nag-aasikaso kapag umaalis sila.
Bagaman aminado si Rosalina na malulungkot at hahanap-hanapin niya si Muyo kapag wala na ito, batid niya na mas makabubuti para sa alaga na i-surrender na niya.
Bago ganap na kunin ni Doc Ferds si Muyo, umiiyak na niyakap ni Rosalina na parang anak ang alaga upang magpaalam.
Dahil na rin sa tagal nagkakakadena sa baywang, nagkasugat na si Muyo na kinailangan munang gamutin ni Doc Ferds.
Tunghayan ang buong kuwento sa pag-rescue kay Muyo at alamin kung saan pasilidad siya dadalhin. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News