Ang paggawa ng kabutihan sa ating kapwa ay parang pagtatanim na ating aanihin balang araw. (Mateo 7:6, 12-14). "Gawin ninyo sa inyong kapuwa ang nais ninyong gawin nila sa inyo. Ito ang buod ng Kautusan at ng mga isinulat ng mga propeta.” (Mateo 7:12).
MADALAS kong madinig noon mula sa aking mga magulang ang paalala na kung anoman ang ginawa mo sa iyong kapuwa ay iyon din ang mangyayari sa iyo.
Kaya kung anoman ang ating "itinanim" dito sa mundo ay iyon din ang ating aanihin. Masuwerte kung ang itinanim o ginawa mo sa iyong kapuwa ay puro kabutihan dahil ibig sabihin ay puro kabutihan din ang babalik sa iyo. Pero papaano kung puro kasamaan ang ipinunla mo sa iyong kapuwa? Aasa ka pa kaya na may aanihin kang kabutihan?
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Mateo 7:6, 12-14) patungkol sa paggawa natin ng kabutihan sa ating kapuwa. Kung nais natin na balang araw ay makatanggap din tayo ng kabutihan mula sa ibang tao, magtanim na tayo ng kabutihan habang maaga pa.
Hindi ba't ang mga magsasaka ay maagang gumigising upang nakapagtanim nang mas marami. Nang sa gayon, pagdating ng panahon ng ani, marami rin silang aanihin.
Ang pagtatanim o pag-iipon ng kabutihan ay malayo sa pagtatanim o pag-iipon ng materyal na bagay. May mga tao na higit na nakatuon ang pansin sa pagpapayaman o pagsikat. Sa pagkasilaw nila sa materyal na bagay at kasikatan, hindi na nila nakikita na nakagagawa na sila ng hindi maganda sa kanilang kapuwa.
Ang resulta, kasabay ng kaniyang pag-iipon ng kayamanan at kasikatan, dumadami rin ang itinanim nilang kasalanan sa kanilang kapuwa. Subalit may magagawa kaya ang kayamanan kung sira naman ang iyong dangal o pangalan dahil sa mga nagawa mong pagkakamalu sa iba?
Pero puwede naman na magtanim ng materyal na bagay habang isinasaalang-alang din ang pagtatanim ng kabutihan para sa kapuwa. Sa madaling salita, huwag magpakasilaw sa yaman at kasikatan upang maging malinaw pa rin ang paningin sa daraanan. Nang sa gayon, wala kang ibang taong maaapakan, masasaktan, at magagawan ng kasalanan.
Aanhin mo ang yaman kung marami kang nagawan ng kasalanan. Baka nasa ilalim ka na ng lupa ay makatatanggap ka pa ng masasakit na salita. Sa halip na pagiging mayaman, ang naalala ng mga tao ay iyong kasamaan na ginawa mo sa iyong kapuwa.
At higit sa lahat, paglisan mo sa ibabaw ng lupa, anong mukha ang ihaharap mo sa ating Lumikha? Yumaman ka nga pero hindi naman ang naipon mong materyal na bagay ang itatanong ng Diyos sa iyo kapag nakaharap na natin Siya. Sa halip, ano ang mga kabutihang naitanim mo sa iyong kapuwa.
Ipinapaalala sa atin ngayon ng Ebanghelyo na sikapin natin ang magtanim ng kabutihan o gumawa tayo ng tama sa ating kapwa. Kung hindi man IKAW MISMO ang umani ng mga kabutihan na itinanim mo sa iyong kapuwa, maaaring ang iyong mahal sa buhay ang aani nito para sa iyo. Amen.--FRJ, GMA Integrated News