Hinangaan kamakailan ang tatlong magsasaka sa Ifugao na nagsauli ng napulot nilang pera sa kalsada na kulang-kulang P1 milyon ang halaga. Mayroon pa kayang mga Pinoy na “Good Samaritan” na magbabalik sa may-ari kung makapulot man sila ng simpleng pitaka?
Ang mga magsasaka na umani ng mga papuri ay kinilalang sina Jerry Inuguidan, William Anudon at CJ Buccahan, na nagpulot ang pera sa magkakaibang araw.
Sa Cauayan Airport naman, isang kawani rin ang hinangaan nang isauli naman niya ang napulot na envelope na may laman na P82,000 cash at iba pang mahalagang gamit na pag-aari pala ng isang overseas Filipino worker (OFW).
Sa pahayag ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), kinilala ang tapat na kawani na si Alexander Nuñez, na isang maintenance personnel.
Bukod sa pera, laman ng envelope ang passport, identification cards, at cellphone ng OFW.
Samantala, sa isang episode ng programang “Good News,” nagsagawa ito ng social experiment na kunwaring mahuhulugan ng pitaka ang isang babae.
Sa isa pang senaryo, kunwari naman na may ibang tao na makakapulot sa nahulog na pitaka.
May mga tapat na Pinoy kayang magsasabi sa babae na nahulog ang kaniyang pitaka? At may makikialam din kaya kapag nakita nila na may ibang tao pupulot sa pitaka kahit hindi siya ang may-ari? Panoorin ang resulta sa video. --FRJ, GMA Integrated News