Pinatunayan ng isang 76-anyos na lola at ng kaniyang asawa sa Laguna na wala sa edad ang cosplaying. Alamin kung papaano nahikayat si lola na mag-cosplay na kaniya na ring nakahiligan.
Sa programang “Good News,” ipinakilala si Lola Mila Librando, taga-San Pedro, Laguna, at ang kaniyang leading man na si Lolo Jobert Librando.
“Tinuruan nila akong mag-pose, pose dito, ganu’n. Pose naman ako, sige lang. Masarap, mas masaya ako,” sabi ni Lola Mila.
Maging si Lolo Jobert, hindi rin maitago ang saya kapag napapansin ng mga tao kapag naka-costume.
“Picture-picture lang. Masaya kapag maraming nagpapa-picture. ‘Tay puwedeng magpa-picture?’ ‘Okay’ Hanggang sa action-action ng picture. Nakakataba ng puso,” sabi ni Lolo Jobert.
Ang pagkahilig nina Lola Mila at Lolo Jobert sa costplay, nag-umpisa sa kanilang anak na si Chris Ramos, na mahilig sa anime.
Ang passion ni Chris, nagustuhan din ng kaniyang asawa at dalawa nilang anak-- pati na rin ang kaniyang mga magulang na sina Lola Mila at Lolo Jobert.
Kaya ang resulta, buong pamilya ang nagko-cosplay.
Noong una, si Lola Mila pa ang tumutol sa pagko-cosplay ng kanilang pamilya.
“Ang mahal-mahal ng mga costume na ‘yan. Magastos talaga. Kapag meron kang bagong costume, bibilhin mo ‘yon, gagawin mo ‘yon,” sabi ni Lola Mila.
Hanggang sa aksidenteng mapasabak na rin sina Lola Mila sa cosplay. Nasa trabaho noon si Chris at hindi pa makapag-out para daluhan ang isang cosplay event, kaya sina Lola Mila at Lolo Jobert na ang pinasama niya.
“Nahiya sila, pero napilit ko rin noong nabigay ko ‘yung costume namin sa kanila. Noong first day pa lang nila na ‘yon, nag-viral na sila agad,” sabi ni Chris.
“Hindi komo may edad ka na, kaya ko pa pala, kaya pa,” sabi ni Lola Mila tungkol sa kaniyang pag-cosplay.
Sa likod ng pagiging game sa cosplay nina Lola Mila at Lolo Jobert, ang kanila palang love story mala-teleserye.
Halos dalawang dekada kasi ang tanda ni Lola Mila kay Lolo Jobert, at ito na ang ikatlong lalaki na nakasama niya.
Edad 16 noon si Lola Mila nang unang magkarelasyon. Nabiyayaan sila ng tatlong anak, pero dahil sa mura nilang edad, tumutol ang kaniyang pamilya.
Muling sumubok si Lola Mila sa pag-ibig sa edad 23, at biniyayaan pa ng limang anak. Ngunit nangibang bansa ang lalaki, hindi na umuwi at tuluyan silang naghiwalay.
Sumuko na si Lola Mila sa pag-ibig. Sa edad 38, naging manager siya ng paliga sa basketball ng kanilang subdivision, at nakilala si Lolo Jobert.
“Tumagal nang tumagal, hanggang sa matapos ang laro. Minsan kapag umuuwi ako sa bahay parang hinahanap-hanap ko,” kuwento ni Lolo Jobert, na laging bumibili noon sa tindahan ni Lola Mila para makita ito.
“'Ang bata-bata niyan eh para sa akin.’ Hanggang sa nagkaroon kami ng pagkakaunawaan, na-develop ako, nagkatuluyan na kami,” sabi ni Lola Mila.
Hindi naging madali ang relasyon nina Lola Mila at Lolo Jobert, dahil tumutol din ang pamilya ni Lola Mila sa bago niyang pag-ibig.
Gayunman, pinatunayan ni Lolo Jobert ang dalisay niyang pagmamahal kay Lola Mila sa kabila ng malaki nilang age gap, nang pumasok ito sa iba’t ibang trabaho para mabuhay ang dalawa nilang mga anak.
Hanggang sa mapagtapos na nila sa pag-aaral ang kanilang mga anak at magaganda na ngayon ang buhay.
Ngayon, tanggap na tanggap na umano ng pamilya ni Lola Mila si Lolo Jobert. --FRJ, GMA Integrated News