Labis ang kasiyahan ng isang mag-asawang janitor dahil nagtapos sa kilalang unibersidad na Ateneo ang dalawa nilang anak na pareho pang cum laude.
Sa video ng "Make Your Day," napag-alaman na parehong nagtatrabaho bilang mga janitor sa naturang unibersidad sina Ricky at Elma Gutierrez.
Umabot na sa 26 na taon ang pagtatrabaho ni Ricky sa Ateneo, at 13 taon naman si Elma. Dahil sa matagal na serbisyo ng mag-asawa sa unibersidad, pinagkalooban ng scholarship ang kanilang mga anak na si Riel at Rica.
Nagtapos si Rica ngayon taon ng kursong management economics, habang 2019 nang magtapos sa kursong psychology si Riel.
"Ang sarap-sarap ng pakiramdam ko na nakatapos yung mga anak ko with Latin honors tapos saan pang school, tapos ano pa kami janitor lang," ani Emma. "Proud ako dun sa trabaho ko kasi sabi ko nga para sa mga anak ko 'to eh."
Payo naman ni Ricky sa mga anak, "Huwag tumaas yung mga ano nila yung pride o kung ano man. Basta lang nakasayad ang paa sa lupa."
Ayon kay Riel, hindi niya layunin na maging sobrang yaman. Nais lang daw niya na magkaroon sila ng komportableng buhay.
"Because we know how it is to live with nothing. So mabuhay lang na komportable, hindi naghahangad ng sobra-sobra," paliwanag niya.
Umaasa si Riel na mabibigyan pa ng mahabang buhay ang kanilang mga magulang para malasap nila ang komportableng buhay matapos ang ilang dekadang paghihirap upang maitaguyod silang magkakapatid.
Pero kahit dalawang anak na ang napagtapos ng mag-asawa, patuloy pa rin silang kakayod para naman makapagtapos ang dalawa pa nilang anak na kambal na junior high school na ngayon.
Sa ulat ng GMA News 24 Oras Weekend, sinabi ni Rica na hindi niya ikinahiya ang trabaho ng kaniyang mga magulang.
"Lahat sila alam nila na janitor 'yung mga magulang ko. Hindi ko po iyon kinakahiya eh," ani Rica. "'Yun po 'yung motivation ko from the very start eh na gusto ko maranasan ng magulang ko 'yung ginhawa ng buhay."
—FRJ, GMA Integrated News