Mayroon nga bang katotohanan na posible pang mabuntis ang mga babae na menopause na o hindi na nagkakaroon ng buwanang "dalaw" o regla?

Sa programang "Pinoy MD," sinabi ni Dr Raul 'Doc Q' Quillamor, OB Gynecologist, ang mga tinatawag na menopause ay ang mga hindi nagkakaroon ng regla pagkaraan ng isang taon.

Dahil hindi na nireregla, hindi na rin siya makakalikha ng "egg" at magiging very poor na ang kaniyang fertility status kaya hindi na rin siya magbubuntis.

Pero kung ang babae na may edad na ay nabuntis pa, sinabi ni Doc Q na maaaring nasa "perimenopausal" period o stage pa lang siya.

Sa kondisyon na ito, nagiging iregular na ang regla ng babae pero kaya may posibilidad pa siyang mabuntis. 

"Ang isang babae na nasa perimenopausal period,  kahit irregular yung menstruation niya, potentially she can get pregnant," paliwanag ng duktor.

Tinatayang sa edad 45 hanggang 50 maaaring magsimulang maging menopause ang babae, o maging iregular na ang kanilang buwanang dalaw.

BASAHIN: Early menopause: causes and symptoms

Samantala, sinabi rin ni Doc Q na hindi normal sa isang babae na ma-delay ng isang buwan at 11 araw ang buwanang dalaw.

"Ang normal na regla ay dapat 28 days lang, plus or minus seven days," paliwanag niya na katumbas ng 21 hanggang  35 araw.

Ayon kay Doc. Q, kapag lumampas ng 35 araw o hindi umabot ng 21 araw ang pagkakaroon ng regla, hindi na ito normal.

Kung mangyayari ang pagka-delay ng regla, maaari umanong buntis ang babae kaya dapat itong magpa-pregnancy test.

Ngunit kung lalabas na hindi buntis ang babae, ipinapayo ni Doc Q na dapat na siyang pumunta at magpatingin sa duktor. --FRJ, GMA Integrated News