Sa tingin marahil ng iba, karaniwang hanapbuhay lang ang pagtitinda o paglalako ng sorbetes, halo-halo, shake at iba pang pamatid-uhaw. Ngunit sa likod nito, ang kuwento ng mga pagsubok, pagsisikap at tagumpay.

Tunghayan ang kuwento ng buhay ng ilan sa kanila, at ang kanilang determinasyon na kumita sa parehas na paraan upang maitaguyod ang kani-kanilang pamilya.

Si Mamang Sorbetero ng Maynila
 

Isa sa mga paboritong pampalamig at panghimagas ng mga Pinoy ang sorbetes, na karaniwang nabibili sa makukulay at malapiyestang kariton na itinutulak ni Mamang Sorbetero.

Isa sa mga masisigasig na Mamang Sorbetero sa Maynila si Florencio Fajardo, 60-anyos, o mas kilala bilang si “Mang Jezz.”

Tubong San Juan, Batangas, minsang pinangarap ni Mang Jezz na maging isang sundalo noong kaniyang kabataan.

“Hindi kaya, hanggang elementary lang kami. Hindi kaya ng tatay namin [magpaaral], kaya sa bukid na lang ako lumaki, nagtanim-tanim ng saging, niyog,” saad niya.

Nagtrabaho sa construction si Mang Jezz ngunit hindi sapat ang kaniyang kinikita na napupunta lamang sa pagbabayad niya ng utang.

May apat na anak si Mang Jezz sa una niyang asawa. Hanggang makilala niya sa Taguig ang kasalukuyang katuwang niya sa buhay, at kasabay nito ang pagsisimula niya sa pagtitinda ng sorbetes noong 1992.

Nahikayat si Mang Jezz sa pagtitinda ng sorbetes nang turuan siya ng kaniyang kumpare na taga-Quezon.

Sa unang sabak niya sa pagtitinda, kumita siya ng P1,500, na malaking halaga na noong mga panahon na iyon.

“Binigyan niya ako ng P500. Natuwa ako. Sa construction P300 noong araw. Natuwa na ako, sabi ko, malaki palang kumita rito. Pina-extra niya lagi ako, natuto ako,” sabi ni Mang Jezz.

Sunod na nagtinda si Mang Jezz sa Dapitan sa Maynila noong 2006 bago siya napadpad sa Dimasalang at Tondo noong 2012.

Tumagal si Mang Jezz sa mga nasabing lugar ng anim na taon at nakabili na siya ng kaniyang sariling kariton.

“Talagang hapit ka, paikot-ikot sa buong Intramuros. Wala pang permit, sinasaway ka. Nakakarating ka ng Luneta, ng Baywalk. Nakakabenta rin naman, mga P2,500,” balik-tanaw niya.

Dahil sa kaniyang pagsusumikap, nakakuha na rin siya kalaunan ng makina at nakapagpatayo ng munting gawaan ng sorbetes sa kaniyang tinitirhan.

Noong 2018, nakakuha si Mang Jezz ng permit na makapagtinda sa Intramuros mula sa Intramuros Administration, ang ahensiya ng Department of Transportation na nangangasiwa sa lugar.

“Sa lakas ng ice cream dito, nakaipon ako, kaya nakapagpatayo ako ng pabrika. Nag-iipon ako talaga,” anang mamang sorbetero.

Sa paggawa niya ng kaniyang sorbetes, una munang magpapakulo si Mang Jezz ng cassava, bago ito bubuhusan ng kalahating pitsel ng tubig para makagawa ng paste. Saka niya isasalin ang asukal, milk ball at gata ng niyog, bago patigasin sa yelo at asin.

Maayos na ang takbo ng buhay at hanapbuhay ni  Mang Jezz. Pero gaya ng maraming nagtitinda at nagnenegosyo, isang malaking pagsubok sa kaniya ang COVID-19 pandemic.

“Mahigit dalawang taon na walang tinda, kaya hindi ako nakapagtuloy-tuloy ng ipon. Halos naubos ‘yung ipon ko, walang tinda,” sabi niya.

“Kahit may ID kami rito [sa Intramuros], bawal. Wala namang napunta ritong tao, paano ka magtitinda? Sa Divisoria bawal din, huhulihin ka ng pulis kasi COVID nga tayo eh,” dagdag niya.

Kaya noong kasagsagan ng pandemya, nananatili lamang siya sa kanilang bahay.

“Kung tutuusin mai-stress ka rin, nasa bahay ka lang eh. Hindi ka halos makalabas,” paglalahad niya.

Nakabawi-bawi si Mang Jezz nang ibaba ng gobyerno ang quaratine level.

Kabilang sa asosasyon ng mga tindero sa Intramuros, nagtitinda rin si Kuya Jezz sa Fort Santiago bukod sa Plaza Roma na nasa tapat ng Manila Cathedral.

“Okay lang naman dito kasi kapag dito ka, walang gagalaw sa ‘yo. Sa ngayon wala namang pagsubok. Nasa sa iyo na lang kung hindi ka magtitinda. Hindi ka kikita kung hindi ka magtitinda,” katwiran niya.

Sa isang araw kapag panahon ng tag-init, kumikita ng P1,000 si Mang Jezz o P30,000 hanggang P35,000 kada buwan. Halos kalahati naman nito ang kita kapag tag-ulan.

Ang kaniyang pagsisikap, inilalaan niya sa kaniyang mga anak.

“Ibibigay ko ito sa kanila kung halimbawang hindi ko na kaya. Ibibigay ko ‘yan sa dalawa kong anak na lalaki,” sabi niya.

Sa ngayon, isa sa kaniyang mga anak na lalaki ang minana na ang pagtitinda niya ng sorbetes.

“Pagka halimbawa hindi ko na kayang mag-ice cream tapos mawala tayo, hindi natin [hawak] ang buhay natin, sa mga anak ko na. Hindi ko naman madadala ito sa libingan. Para sa kanila ito,” sabi ni Mang Jezz.

Sa kaniyang paghahanapbuhay, hindi nalilimutan ni Mang Jezz ang tumulong sa mga tao, lalo na sa mga nagugutom at kapos sa pera kung minsan.

“‘Yung mga taga-rito o mga side car driver din, ‘Pare pahingi nga ng ice cream.’ Binibigyan ko. Pero ‘yung ibang nakikita ko, ‘pag nanghihingi sa akin ng ice cream binibigyan ko rin. ‘Mang Jezz pahingi ng ice cream!’ Kilalang kilala na ako rito ng mga bata,” sabi niya.

Ayon kay Mang Jezz, pinakikisamahan niya ang mga taong walang pera at nanghihingi ng kaniyang tinda.

“Sa pagtitinda talagang bawat customer mo tantiyahin mo rin. Kung may pera o wala. Halimbawa lumapit sa ‘yo, P20 lang daw. Kung ‘yun lang ang kaya niya, P20, eh ‘di bigyan ko ng P20. Maliban kung walang apang maliit. Pero kapag sapat lang ang pera mo, kahit sa malaki binibigyan ko na eh, para masaya lang siya, makakain siya ng ice cream,” sabi pa niya.

Inilahad ni Mang Jezz ang sikreto niya sa tagumpay.

“Sipag lang ang sikreto. Sipag at tiyaga. Kaya ako nagkaroon ng [kariton], ‘Yun lang ang sikreto ko, sipag at tiyaga. At saka pakisama sa mga tao. Wala nang iba.”

Ang Madiskarteng Tindero ng Halo-halo sa Digman

Bukod sa sorbetes, isa pang madalas na binibiling pampalamig ng mga Pinoy ang katakam-takam na halo-halo.


Sa Barangay Digman sa Bacoor, Cavite, dinarayo ng mga Caviteño ang Original Digman Halo-Halo and Home Made Siopao, na pinangangasiwaan ngayon ng 70-anyos na si Edilberto Gonzales, o si “Kuya Boy.”

“Kasi ako happy-go-lucky lang. Ganoon lang ako. Noong maliit ako, gala rito, gala roon. Pasarap dito, pasarap doon. Wala kong iniisip... kasi pag-uwi ko, may makakain ako eh. May magulang akong [maghahanda] eh. 'Pag nag-aral, pinasukan, nagbulakbol,” paglalarawan ni Kuya Boy sa sarili noong kaniyang kabataan.

Namana nina Kuya Boy at ng kapatid niyang si Donita ang negosyo nilang halo-halo mula sa kanilang inang si Benjamina Toledo-Gonzales, o mas kilala bilang si “Lola Nene” sa lugar.

Panahon pa ng Hapon noong 1940s, nagtitinda na ng halo-halo si Lola Nene, hanggang sa maituro niya rin ang paggawa nito sa kaniyang mga anak.

“Hindi ko natutunan ang pagluluto ng guyabano. Guyabano na mamatamisan. Ang nanay ko alam ko nakapagluluto niyan, 'yon ang hindi ko natutunan,” kuwento ni Kuya Boy.

“Ang nanay, lalo na sa mga ulam, mahilig mag-iimbento 'yun eh, kung paano ang pagluluto. Kaya 'yun siguro, naisip ng nanay ‘yung [halo-halo],” pagpapatuloy pa niya.

Dating nagtrabaho sa pabrika si Kuya Boy, ngunit kalauna’y siya na ang nagpatakbo ng tindahan ng kanilang halo-halo.

Ipinagmamalaki ni Kuya Boy ang talento ng kaniyang ina sa paggawa ng leche flan na kasinglaki ng cake, na isa sa sangkap ng kanilang halo-halo.

“Isipin mo ang nanay, natuklasan na ganoong kalaking leche flan ang mailuto? ... Dito ka lang makakakita niyan sa amin, pinakamalaking leche flan. Sa iba puro maliliit, kahit 'diba makikita mo sa handaan? Maliliit eh. Isipin mo paano naisip ng nanay ganu’ng kalaking leche flan ‘yan?,” pagmamalaki niya.

Tulad ng ibang mga negosyo, nakaranas din ng pagkalugi sina Kuya Boy noong kasagsagan ng pandemya.

“Kung kami nagbabayad ng renta, baka sarado na rin 'to. Sa laki ng puwesto nito? Tapos magkakaroon ng pandemya, nag-open [ang mga negosyo] for take-out. Take-out? Gasino lang kikitain mo sa take-out, 'di ba? Tapos ang tao, walang trabaho, wala pang pera... Halos bumagsak lahat ng negosyo noon, nawalan ng trabaho,” sabi niya.

“Kung iisipin mo, ilang buwan ‘yung wala tayong kita, puro out, tapos sasabayan ka ng ilaw, tubig babayaran mo. Ang sakit sa ulo! Isipin mo daang libo ang babayaran mo, ilaw, tubig. Malaki! Kasi commercial kami eh... Umaabot daang libo. Kaya napakasakit sa ulo ng bagsak ng COVID na 'yan, napakalupit,” dagdag ni Kuya Boy.

Sa pagluluwag din ng mga COVID-19 restriction tulad ng pagpayag sa dine in sa mga restaurant, unti-unti nang nakababawi ang negosyong halo-halo nina Kuya Boy.

“Medyo, ayan nakakabawi-bawi na tayo. Nakakabawi na tayo konti, umaangat na ng konti ang kita. Umaangat na dahil open na,” kampante niyang sabi lalo na nang tumindi noon ang init ng panahon.

“Tag-init talaga malakas. Kasi sa tag-init, number one, ‘yung mga taong walang sasakyan, namamasahe. Hindi kagaya sa tag-ulan, tatamarin ang mga walang sasakyan. Ang mga halos kumakain na lang yung may sasakyan madalas," kuwento niya.

Sa negosyong halo-halo na napagtapos ni Kuya Boy ang lima sa anim niyang mga anak.

Ngayon, isa sa kaniyang mga anak ang tumutulong sa pagbili ng mga sangkap sa halo-halo sa mga palengke sa Cavite.

“Kaya sinasabi ko sa mga anak ko, ‘May edad na rin kami. Mawawala na rin kami. Itong negosyo na ito, 'wag niyo lang pababayaan ito. May tao na kayo, tao na ang lumalapit sa inyo. Hindi kagaya ng ibang negosyo, maghahanap pa ng tao na bibili. Ito, tao na papasok sa inyo. Kaya pag-ingatan niyo lang 'to. Buhay kayo dito.’ 'Yun din ang sinabi sa'kin ng nanay eh, 'Wag itong pabayaan. Hindi kayo magugutom dito,'" paliwanag niya.

Para kay Kuya Boy, mahalaga ang mga tinderong kagaya niya para sa mga Pilipino, dahil likas sa atin ang hilig sa pagkain.

“Ang Pilipino kasi mahilig kumain. Number one ang mga Pilipino na matatakaw. Hindi mawawala 'yung sasabihin mo, kakain ka ng isang putaheng ganito - maghahanap pa 'yan ng iba," ayon kay Kuya Boy. "Hindi sila kuntento. Kaya ang mga nagtitinda number one na mahalagang mahalaga sa mga Pilipino. Mahalaga rin 'yun sa aming mga nagnenegosyo 'yung mga taong bumibili. Kasi kung wala sila, wala kaming kita.


Ang Masipag na Tindera ng Fruit Shake sa Bacoor



Kung budget lang ang pera para sa pangmeryenda, lalo na para sa mga estudyante, hindi rin mawawala sa mga kalsadang Pinoy ang masasarap na fruit shake.

Si Laura Ocava, 70-anyos na ngayon, mahigit 30 taon nang nagtitinda ng kaniyang mga fruit shake sa Bacoor, Cavite.

May dalawang anak na si Nanay Laura nang mag-isip siya kung ano ang produkto na papatok sa mga estudyante dahil malapit sa paaralan ang kaniyang puwesto.

“Umpisa ko noon mga shake lang: sunny orange, sunny grapes ang binibili. Hanggang sa mga flavor na mga ube, hanggang sa nauso 'yang powder tsaka fresh fruits. Dun ako nag-umpisa," pagbahagi niya. "Nag-isip lang ako kung ano ititinda kasi malapit ako sa school. Eh wala akong trabaho, nandito lang ako kaya naisip ko 'yun.”

Pumatok kalaunan sa mga estudyante ang kaniyang mga pampalamig kaya ito na ang kaniyang naging paboritong itinitinda.

“Shake, the fruit shake. Pinakamalakas ang fruit shake, kahit anong fruits,” sabi niya.

Para sumarap, ginagamitan ni Nany Laura ng mga espesyal na sangkap ang kaniyang produkto.

“Ako ang nagtitimpla. Halimbawa sa gatas, hindi ‘yung lokal na gatas, hindi ‘yung mumurahin na gatas. Doon sa [sikat na brand], ‘yung classic ginagamit ko para hindi siya masira ang lasa. Kasi merong mumurahin eh, hindi masarap. Eh di ako gumagamit ng 'di masarap. Basta kahit mahal, sumarap lang siya. Saka isa pa, hindi ‘yung tinitipid ko ‘yung timpla,” pagtiyak niya.

Sa panahon ng tag-init, kumikita si Nanay Laura ng nasa P10,000 hanggang P20,000 sa isang buwan.

Kung may mga pagsubok mang dumating sa kaniyang pagtitinda, ito ay mga kakumpitensya, lalo na nang mauso ang mga milk tea sa kanilang lugar.

“Naapektuhan ako ng mga milktea na 'yan, naku po! Nahati eh, at least may nabili pa rin," sabi ni Nanay Laura na dumaing din dahil hinaharangan ng ilang tindero ang kaniyang puwesto.

“Walang magagawa talagang ganiyan ang tindahan, talagang ganiyan negosyo. Ba't ka magagalit? Ayusin mo lang tinda mo. 'Yun lang ang sikreto, ayusin mo tinda mo para maging ma-appeal,” sabi niya.

“Kasi 'pag tumigil ka, lalo kang mawawalan. 'Yun ang naging [prinsipyo] ko sa buhay, 'di puwedeng ititigil. Tawag ko 'dun mahaba pisi o puhunan mo,” dagdag pa niya.

Dahil sa pagtitinda ng shake, at katuwang na rin ang kaniyang asawa na nagtatrabaho sa barko, napagtapos ni Nanay Laura ang isa sa dalawa niyang anak.

“Dati, yung asawa ko nagbabarko 'yan. Tulong din noon. Mawala man, meron pa rin akong gagastusin kasi tuloy-tuloy ‘yung tinda, ‘di ba? Ganu’n 'yun eh... Hindi ako mawawalan, aalis din siya, eh ‘di nakakapag-survive ako. [Nakakayanan] ko mga matrikulang malalaki, pambaon, walang problema,” paliwanag niya.

Kung mayroon man siyang pagsisisi sa buhay, ito ay noong hindi siya nakatapos sa pag-aaral.

“Kaya nagsisisi ako, pero sa takbo ng buhay ko kontento na ko sa nangyari sa buhay ko. May anak ako, natapos naman yung isa, ‘yung isa ayos lang. May asawa akong napakabait. Ayos lang,” saad ni Nanay Laura.

Para kay Nanay Laura, naging puhunan niya ang tiyaga niya sa pagtitinda.

Ang Mag-asawang Partners sa Buko Juice sa Parañaque

Matagal nang naglalako ng buko sa mga barangay ng Baclaran at Tambo sa Parañaque ang mag-asawang sina Joel Loyola, 49-anyos at taga-Samar, at Joy Araganas, 45-anyos ng Zamboanga City.

Bago magkakilala sa Baclaran, napadpad sa Parañaque si Joy noong 1992, at nagtinda ng lugaw, kape at sigarilyo. Nagtinda naman si Joel sa Villamor sa Pasay sa panahong 1997.

“Siyempre, sa paghahanap ng hanapbuhay,” sabi ni Joel nang tanungin kung bakit sila napadpad ni Joy sa Baclaran. “Diyan dumaan ang paghahanapbuhay namin, diyan kami kumita ng pinagkitaan namin sa Baclaran.”

Kasalukuyang nangungupahan ang mag-asawa sa isang sitio sa Baclaran.

Dating namasukan si Joel sa isang drug store. Ngunit nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng kaniyang amo kaya nagpasiya siyang umalis na lang sa trabaho.

“Kaya ako, ang sabi ko, mabubuhay ako kahit saan ako ilagay. Mamamangketa [bangketa] ako, mabubuhay ako. Itinanim ko sa isipan ko, mabubuhay ako sa bangketa,” kuwento ni Joel.

Nang magkakilala, sinamahan na ni Joy si Joel sa pagtitinda ng buko. May anim silang anak na 28 anyos na ang panganay at 13-anyos naman ang bunso.

Alas-dos o alas-tres pa lang ng umaga, gumigising na sina Joel at Joy para maghugas ng mga galon na gagamitin sa pagtitinda. Mamimili rin sila ng mga magagandang buko na galing sa Laguna at Quezon at ibinabagsak naman sa Baclaran.

Kaagad din nilang sisimulan ang pagkakayod ng laman ng buko.

“Kasi kung doon ka na magkakarga ng alas-sais na ng umaga, tatrabahuhin mo pa ‘yan, anong oras ka nang makakapagtinda niyan? Kailangan maaga ka talaga kasi pagdating ng alas-sais, may paisa-isa na ‘yan,” saad ni Joel.

Sa kanilang araw-araw na hanapbuhay, hindi maiiwasang dumaan sina Joy at Joel sa mga hamon sa pagtitinda.

“Maraming pagsubok na rito sa bangketa ang dinanas namin. Katulad nito, manghuhuli, nasa gilid naman,” ayon kay Joel.

“Ako, para sa akin, kung ako ang batas, ako ang gobyerno, kapag hindi ka makasagabal ng batas trapiko, huwag dapat bulabugin. Naghahanap-buhay nang maayos lang naman. Ang bulabugin nila, ‘yung [nakakasagabal] ng trapiko,” ayon kay Joel.

“Nasa gilid ka na, huhulihin ka pa, bubulabugin ka? ‘Yung mga magnanakaw, hindi huhulihin? ‘Yung mga nagtitinda ng shabu hindi huhulihin? Saan pa kami rito lalagay?” paglalahad ni Joel ng kaniyang sentimyento.

Hinaing ni Joel, may ilang tindero rin sa Parañaque ang nang-aabuso umano na pumupuwesto sa gitna ng kalsada kaya hindi makadaan ang mga sasakyan. Himutok niya, ang mga nasa gitna ng daan ay hindi sinisita o hinuhuli ng mga awtoridad.

Sa mga pagkakataong nagkakaroon ng hulihan, nawawalan ng customer sina Joel at Joy.

“Hindi kami nahuhuli gawa ng tumatakbo na lang kami. Patay na oras ‘yan. Paano ‘yung mga customer namin, naglalampasan na. Sa halip na kikita kami kahit paano, wala na kasi ‘yung mga regular naming suki rito naglalampasan na gawa ng nandoon kami sa loob,” kuwento ni Joel.

Ikinalungkot din ng mag-asawa ang ilang bumibili na nagsasamantala sa kanila.

“‘Yung iba bibili, hindi magbabayad. Nakaka-ano naman din ‘yan. Kaso lang ako na lang ang nag-a-adjust kasi may pamilya ako. Sa halagang P10, [hinahayaan] ko na lang ‘yun [lugi] ko na ‘yan. Pero kahit paano, kahit sa mga store, kapag kulang lang sila ng piso, meron ka nang maririnig na hindi maganda,” saad ni Joel.

“Pero sa akin dito, [masama] rin ‘yung loob ko kasi kaunting hanapbuhay na nga lang, lolokohin ka pa. Pero ang sa akin naman, pinahahaba ko na lang ‘yung [pasensya] ko,” pagpapatuloy niya.

Araw-araw, kumikita sila ng mula P500 hanggang P1,000, kung saan mas malakas ang benta kapag tag-init.

“Hindi siya umaabot ng P1,000 minsan. Minsan mababa. Minsan kapag medyo umuulan-ulan, P500,” ayon kay Joy.

Kung si Joel ang tatanungin, kulang ang kita na P500 kada araw.

“Kasi kung sa ngayon kung kumikita ka lang ng P500 kulang pa. Kasi ang mga anak natin nag-aaral, baon, bayad sa bahay, ilaw, tubig. Kulang. Sa P500 araw-araw, kulang,” sabi ng padre de pamilya.

Bukod sa pagsubok sa pagtitinda, doble pa minsan ang pasakit nina Joel at Joy lalo kung nagkakasakit ang kanilang mga anak.

“Pero sabi ko, huwag namang magkakasakit, kasi lalo na kapag walang pera, walang panggamot, walang pangdoktor,” sabi ni Joy.

Pangarap ni Joy na magkaroon ng sariling negosyo na may sariling puwesto para hindi na sila sinisita.

Kung ang mag-asawa ang tatanungin, hindi nila gugustuhing manahin ng kanilang mga anak ang kanilang pagtitinda ng buko sa kariton.

“Kung may pagkakataon, gusto kong [ituloy] sila sa pag-aaral para may sarili silang paghahanapbuhayan kung sakali magkaroon sila. Makatapos sila ng mag-aral, makakuha sila ng magandang trabaho. Hindi sila sumunod sa akin dahil ito, pasipagan ito,” sabi ni Joel.

“Gusto ko lang naman na mag-aral sila nang mabuti. Para pagdating ng panahon na wala na kami,” ayon naman kay Joy.

Sa kabila ng mga pagsubok sa buhay, ipinagmamalaki ni Joel ang kaniyang pagiging isang buko vendor at hindi niya ito iiwan kahit na magkaroon pa siya ng ibang kabuhayan.

“Siguro baka [sumubok] ako ng ibang [trabaho]... Pero itong hanapbuhay [na buko] hindi ko iiwan. Kasi baka magdalawa akong ano man lang... kahit man lang kainan. Basta ito ang number one na hindi ko iiwan,” saad niya.

Sabi ni Joy, inspirasyon niya sa pagsisikap ang kanilang mga anak. Pero para kay Joel, ang nagbibigay sa kaniya ng inspirasyon: “‘Yung asawa ko... Nagtutulong-tulong kami.”

--FRJ, GMA Integrated News