Nahuli-cam ang magkahiwalay na insidente ng pag-atake ng "laglag-barya" gang sa Maynila at Pampanga. Kahit ang biktimang nasa loob ng kaniyang sasakyan, hindi nakaligtas. Panoorin ang video at alamin kung papaano kumilos ang grupo upang hindi mabiktima.
Sa ulat ni Jun Veneracion sa programang "Reporter's Notebook," ipinakita ang kuha sa CCTV camera sa Rizal Avenue sa Maynila, habang nakatigil sa gilid ng kalsada ang isang SUV.
Isang sasakyan naman ang tumigil sa kaniyang harapan at bumaba ang ilang nakasakay dito. Pinaikutan at tila pinag-aralan ng grupo ang SUV, hanggang sa may isa sa kanila ang may inilagay sa hulihang gulong ng SUV.
Kapansin-pansin din na may hawak na payong ang isa sa grupo para takpan ang ginagawa ng kaniyang kasama sa likod ng gulong.
Maya-maya pa, may kumatok na sa biktima na driver ng SUV. Itinuturo raw sa driver na may mga barya sa likod ng gulong nito. Noong una, hindi bumaba ang driver.
Pero may isa pang lalaki na kumatok sa pinto ng SUV at muling itinuro sa biktima ang barya sa likod ng kaniyang gulong. Sa pagkakataong iyon, binuksan ng driver ang pinto ng kaniyang sasakyan.
Nang buksan niya ang pinto, isang miyembro ng grupo ang nakapuwesto naman sa kabilang pintuan ng sasakyan at kinuha na ang kaniyang bag na may lamang na P350,000.
Ayon sa biktima, hindi niya kaagad namalayan na nawala na pala ang kaniyang bag. Nanghihinayang din siya sa nawalang pera dahil sa gagamitin niya ito matapos na matuklasan na may sakit siya sa kidney.
Sa loob naman ng isang restaurant sa Angeles City, Pampanga, na-hulicam ang isang grupo na pinaligiran ang isang babae na kumakain.
Makikita sa video na naglaglag ng pera sa sahig ang isang lalaki at itinapat sa gilid ng babae. Maya-maya lang, kinalabit na ang babaeng kumakain at itinuro ang pera na nasa sahig.
Nang abutin ng babae ang pera, isa sa grupo naman ang kumuha sa bag niya.
Natangay ng grupo ang bag ng biktima na may alahas at pera.
Ang mga umatake sa Maynila at Pampanga, naaresto at lumitaw na isang grupo lang.
Positibong kinilala ng biktimang naka-SUV ang taong lumapit sa kanila.
Pero ang mga suspek, naaresto ng mga awtoridad dahil sa ibang ilegal na gawain na kinasangkutan. At sa interogasyon, umamin sila sa kanilang gawain ng laglag-barya modus.
Panoorin sa video kung papaano nila ito naisasagawa upang maging alerto at hindi maging biktima. --FRJ, GMA Integrated News