Sa malinaw na tubig at mababatong cliff sa Panglao, Bohol, isang aso ang hinahangaan ng mga turista dahil sa angkin nitong galing sa pag-skimboard. Paano kaya niya ito natutunan mula sa kaniyang amo?
Sa nakaraang episode ng “AHA!” ipinakilala si Brad, na isang one of a kind dog skimboarder sa Panglao.
Si Brad, na higit apat na taong gulang na ay kalahating Labrador at kalahating aspin, at alaga ni Ceejay Regino, na dating taga-Davao del Sur.
Lumipat ang pamilya nina Regino at nanirahan sa Panglao noong 2014. Dito na niya nakilala si Brad, at siya na ang tumayong fur parent ng aso.
Mahilig si Regino sa surfing at skimboarding, kaya naman lagi niyang kasama si Brad sa kaniyang mga water adventure.
“Natuto siya, nu’ng umpisa, naglalaro lang kami. Napansin ng kaibigan ko na mahilig din siya maglaro, so tinuruan niya,” kuwento ni Regino.
Ayon sa "Aha!," likas na mga swimmer ang mga aso, dahil mayroon silang inherent instinct na lumangoy sa tubig. Dito nanggaling ang tinatawag na “langoy aso.”
Wala ring kinalaman ang breed ng aso sa kaniyang abilidad na lumangoy at mag-surf, kundi kaya itong turuan sa pamamagitan ng tamang training at pagbalanse sa board.
Noong unang beses na tinuruan si Brad, nahirapan pa itong sumampa sa skimboard. Pero nagtiyaga sa pagtuturo si Regino kaya pagkaraan ng isang buwan, madali na lang kay Brad na sumabay sa pagtapon ng skim board at magbalanse.
Kaya naman hindi maiwasan ng ilang turista na mamangha at ma-starstruck sa skimboarding skills sa Alona Beach ni Brad.
Nai-post sa social media ang “paw-nomenal” skills ni Brad kaya instant online star siya.
Tinitiyak naman ni Regino na lagi siyang nakabantay kay Brad kaya kahit kailan, hindi pa ito napahamak sa skim boarding. --FRJ, GMA Integrated News