Ngayong tumitindi pa ang init ng panahon, normal lang sa tao ang pagpawisan. Pero may mga tao na labis pa rin ang tagaktak ng pawis kahit pa nakatutok na sa electric fan dahil sa kanilang kondisyon na tinatawag na Hyperhidrosis.
Sa programang "Pinoy MD," ikinuwento ng 27-anyos na propesor na si Romano Uy, ang kaniyang karanasan sa pagiging pawisin nang sobra.
Nag-aaral pa lang, napansin na raw niya na kakaiba ang tagaktak ng kaniyang pawis kapag naiinitan o naglalaro.
At ngayong nagtatrabaho na, nagbibihis lang papunta sa trabaho, basa na ng pawis ang kaniyang damit. Kailangan pa niyang maglakad papunta sa sakayan, at pagkatapos ng biyahe, puwede na raw pigain ang kaniyang damit dahil sa pawis.
Ipinaliwanag ng dermatologist na si Dr. Cricelda Rescober-Valencia, na natural ang pagpawisan ang tao dahil sa sweat glands sa balat. Paraan daw ito ng katawan para panatilihin ang normal nitong temperatura.
Kaya naman kung mainit, mas maraming pawis na inilalabas ang isang tao para mapalamig ang katawan.
Ngunit ang mga tao na nakararanas ng labis na pagpapawis ay may kondisyon na tinatawag na Hyperhidrosis.
“Normal o talagang common na nagpapawis tayo kapag mainit ang panahon or kapag kinakabahan tayo. Pero kapag sobra-sobra ‘yung response natin to those factors or kapag nagpapawis ka, kahit wala ‘yung factors na ‘yun, ‘yun ‘yung tinatawag natin na Hyperhidrosis,” sabi ni Dr. Valencia.
“Puwedeng example, kunwari nakikita mo talaga na tumutulo ang pawis sa palad mo or nafi-feel mo talaga na tumutulo ang pawis sa kili-kili. Minsan ‘yung mga pasyente natin hindi sila makahawak ng ballpen or hindi nila mabuksan ‘yung pinto kasi sobrang madulas sa sobrang pawis,” dagdag ng doktora.
Wala naman daw na masamang epekto sa kalusugan ang hyperhidrosis. Ngunit nakaka-“turn-off” na kapag pawis na pawis ang isang tao at humaharap sa ibang tao. At kapag natuyuan ng pawis, dito rin nagsisimula ang body-odor.
Gayunman, pinabulaanan ni Dr. Valencia ang paniwala ng ilan na dahilan ng pulmonya ang pagtutok sa aircon o electric fan kapag nagpapatuyo ng pawis ang isang tao.
Nilinaw din niya na hindi nakakapagpatigil ng pawis ang pulbos. Sa halip, absorption o pagsipsip lamang ang ginagawa ng pulbos para hindi maging malagkit ang pakiramdam ng tao.
Para sa mga nakararanas ng labis na pagpapawis, isang epektibong solusyon ang botox injection na nakatutulong para mabawasan ang pagiging aktibo ng sweat glands.
Mayroon na ring oral medication para sa mga may hyperhidrosis, at epektibo rin ang simpleng paglalagay ng deodorant. -- FRJ, GMA Integrated News