Bilin ng mga matatanda na huwag matutulog kaagad kapag busog dahil baka bangungutin. Ang naturang babala, may posibilidad, ayon sa isang duktor. Alamin kung bakit.

Bago ang kaniyang special participation sa digital series na "In My Dreams,” sinagot ni Dr. Kilimanguru ang ilang mga katanungan tungkol sa pagtulog. Kabilang dito ang koneksiyon ng bangungot kapag nakatulog ang tao habang busog.

“Nakakabangungot ang pagtulog nang busog dahil you are giving your body more energy,” sabi ni Dr. Kilimanguru, o Dr. Kilimanjaro Tiwaquen sa tunay na buhay.

Sa pagtulog, sinabi ni Dr. Kilimanguru na may mga pagkakataon na kalmado lang ang brain waves ngunit may stages na aktibo ang mga ito.

“Pero when you eat before you sleep, kapag busog ka, nagiging overactive ‘yung brain mo. So pagdating mo roon sa stage na nananaginip ka na, mas vivid ‘yung image,” sabi ni Dr. Kilimanguru.

“Usually kapag may nightmares tayo feeling mo totoo siya, that’s because naging overactive ‘yung brainwaves mo because of the food na kinain mo before you slept,” dagdag pa niya.

Ipinaliwanag din ni Dr. Kilimanguru na ang sleep paralysis o paggising ng isang tao habang siya ay nasa Rapid Eye Movement (REM) sleep stage, kung saan aktibo ang utak ngunit paralisado ang katawan.

“Sa kamalasan, all of a sudden kung nagising ka during that stage of sleep, makararanas ka ng sleep paralysis. Kumbaga namalas ka lang sa stage of sleep na nagising ka. If you wake up in the other stages of sleep that won’t happen,” anang doktor.

Sinabi rin ni  Dr. Kilimanguru na posibleng tanda ng heart problem ang taong malakas maghilik, lalo na kung siya ay overweight, at isa sa risk factor ang mabigat na timbang.

Ayon pa kay Dr. Kilimanguru, na ang isang working adult ay kailangan ng pito hanggang walong oras na tulog para maikokonsidera ang isang “proper sleep.”

Hindi rin umano totoo na katumbas ng proper rest ang tinatawag na “power nap."

May special participation si Dr. Kilimanguru sa digital series na "In My Dreams” na magsisimula sa Mayo 18 at mapapanood tuwing Martes at Huwebes ng 6 p.m. sa GMA Public Affairs' Facebook page at YouTube account.-- FRJ, GMA Integrated News