Naging usap-usapan ang pagbabadya ng Super El Niño hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo ngayong taon.
Kaya naman itinaas na ng PAGASA ang El Niño Alert nitong Mayo sa bansa matapos ang mga forecast na maaari itong mangyari sa susunod na tatlong buwan. Ano nga ba ang Super El Niño na nakaaapekto ng mga buhay at kabuhayan?
Sa “Need To Know,” sinabing nahahati ang El Niño-Southern Oscillation (ENSO) cycle sa dalawang yugto: Ang La Niña o matinding tag-ulan, at El Niño o matinding tagtuyot.
Paliwanag ni Dr. Ana Liza Solis, Climate Prediction and Monitoring Chief ng PAGASA, na weather phenomenon ang mga ito kung saan apektado ang ugnayan ng dagat at ng atmosphere.
“Galing tayo sa La Niña, biglang sobrang init kapag may El Niño. Umiinit ang temperatura ng dagat lalong lalo na sa gitna at silangang bahagi ng dagat Pasipiko,” sabi ni Solis.
Ayon sa National Oceanic and Atmospheric Administration (NOAA), 21.1° Celsius ang average temperature ng ocean surface ng mundo ngayong 2023. Mas mataas ito sa normal na ocean surface temperature na 20° Celsius.
Sinabi naman ng International Union for Conservation of Nature na naka-aapekto ang ocean surface temperature sa pagbabago ng panahon sa buong mundo, tulad ng pagbaha, pagtaas ng tubig at pagkatunaw ng yelo sa dagat, o matinding tagtuyot.
"This is the first comprehensive examination of how ENSO, its dynamics and its impacts may change under the influence of rising greenhouse gas concentrations in the atmosphere," sabi ni NOAA Pacific Marine Environmental Laboratory Senior Scientist Michael McPhaden.
Dagdag ni Solis, may reaksyon ang pagbabago sa temperatura ng dagat Pasipiko, kung saan kakalat ang init sa buong gitna at silangang bahagi nito.
Nangyayari na ito ngayon sa Eastern Pacific, at nagsisimula na ring uminit ang gitnang bahagi ng karagatang Pasipiko.
“Super El Niño kasi galing tayo sa La Niña, biglang sobrang init agad ng pagbabago ng temperatura ng dagat,” sabi ni Solis.
Kaya naman hindi ligtas ang Pilipinas sa muling pagdanas ng tagtuyot, ayon sa PAGASA.
Sinabi ni PAGASA Deputy Adminstrator Esperanza Cayanan na mag-i-isyu sila ng El Niño alert nitong Mayo, kung saan may 70% probabilidad na magkaroon ng El Niño sa susunod na dalawang buwan.
Pinakamaaapektuhan ng El Niño ang agrikultura at seguridad sa pagkain.
Dahil dito, maaaring makaranas ang bansa ng “extreme rainfall event” na gaya ng sa Ondoy noong 2009, sabi ng PAGASA.
“Kapag nade-develop ang El Niño, historically po mas enhanced ang ating Habagat season. May posibilidad na magkaroon ng enhanced Habagat at magkaroon ng cyclone development,” sabi ni Solis.
Ito ang nangyayari ngayong 2023, kung saan hinagupit ang Pilipinas ng unang bagyo na Bagyong Amang.
Gayunman, tipikal lamang ito sa isang tropical na bansa gaya ng Pilipinas.
“El Niño doesn’t mean drought o walang ulan. El Niño increases the probability or chances na magkaroon ng dry spell na posibleng mag-lead into drought,” sabi ni Solis.
Nangyayari ang El Niño kada dalawa hanggang pitong taon matapos ang matinding tag-ulan o La Niña, at maaaring tumagal ng halos isang taon. —LBG, GMA Integrated News