Hindi dapat balewalain ang heat stroke na maaaring maranasan dahil sa tumitinding init ng panahon. Pero hindi lang ang tao ang maaaring tamaan nito kung hindi maging ang mga alagang hayop. Alamin ang mga dapat gawin kapag na-heat stroke at papaano ito maiiwasan?
“Ang heat stroke, ito ay kung saan ang ating katawan ay tumataas ang temperature na sobrang taas niya na hindi kinakayang ibalik ng katawan sa tamang temperature,” paliwanag ng general physician na si Dr. Cheridine Oro-Josef sa ulat ni Bernadette Reyes sa "Brigada."
“Para tayong makina na nag-overheat kasi sa sobrang init, para siyang naluluto, ‘yung cells natin sa loob ng katawan, parang nalulusaw... kapag kinaya at nasira ‘yung cells, lahat ng organs sa katawan ay maaaring masira,” dagdag ni Dr. Josef.
Kaya bata man o matanda, walang pinipili ang heat stroke, lalo kung nababad sa init ng araw ang isang tao.
“Ang heat stroke ay nakamamatay, kung ito ay hindi natugunan nang maayos. Fatal po siya,” paalala ni Dr. Josef.
Bukod sa mataas na temperatura ng katawan, ilan pa sa sintomas ng heart stroke ay pagkahilo, pagsusuka, pananakit ng ulo at iba pang parte ng katawan, pagbilis ng tibok ng puso, at pagkawala ng malay.
Kapag nangyari rito, ang paunang lunas na maaari umanong ibigay sa pasyente ay dalhin siya sa malilim na lugar, painumin ng tubig kung kaya, punasan ng basa o lagyan malamig na bagay gaya ng yelo sa batok, kilikili, singit, o maiinit na parte ng katawan.
Pero maging ang mga hayop gaya ng aso, delikado sa heat stroke. Gaya nang nangyari sa alagang American Bully ni Joeffrey Perez na si "Baki."
Naghihingalo at halos wala nang malay si Baki nang dumating si Joeffrey. Pero bago nito, nakita nakitaan daw ng palatandaan ng heat stroke si Baki gaya ng matinding paglalaway, malakas na hingal, at nagkukulay violet ang dila.
Hindi na naisalba ang buhay ni Baki.
Ayon kay Dr. Judge Pera, veterinarian, kung mapapansin na biglang nawalan ng malay ang aso, lumakas ang hingal, at namumula, dapat punasan ang katawan nila ng basang basahan para bumaba ang kanilang body temperature.
Dapat daw gawin ang pagpunas nang mula sa katawan pababa sa mga paa at kamay.
Iwasan o huwag punasan ang ulo ng aso dahil posible umanong ma-constrict ang vessels nila sa utak, paliwanag ni Pera.
Heat Stroke sa tao
Ang 30-anyos na si Antonio Solomon Jr., nanigas ang katawan at nawawalan ng malay dahil sa heat stroke matapos mababad sa init ng araw sa pagmomotorsiklo na galing sa Antipolo.
Sa kabutihang palad, nakaligtas si Antonio at nagawang maikuwento ang nangyari sa kaniya.
“Nakamotor po kami noon. Ang nangyari po kasi sobrang init kasi alam mo naman kapag rider ‘di ba, sakop mo ang lahat ng init sa araw. Tanghaling tapat iyon. Pero kami talaga once nag-ride kami, naka-jacket, makapal siyempre, sobrang init,” sabi ni Antonio.
Kuwento pa niya, “Habang umaandar po kasi ma’am bigla kong naramdaman na ‘yung kamay ko is medyo patigas na siya. Sabi ko sa kasama ko, kaya niyo po bang hawakan ‘yung kamay ko, para maigilid lang natin ang motor? Kasi hindi ko na siya ma-grip. ‘Yung hininga ko pabilis nang pabilis at saka ‘yung tibok ng puso,” sabi ni Antonio.
Kahit nakaligtas, nangangamba pa rin si Antonio para sa kaniyang kalusugan dahil hindi pala iyon ang unang pagkakataon na nakaranas siya ng heat stroke.
Payo ni Dr. Josef, iwasan na bumilad ng higit sa dalawang oras mula 10 a.m. hanggang 4 p.m. Dagdag niya, hindi rin maaaring biglain agad na papasok ang isang tao sa isang sobrang malamig na lugar mula sa mainit.
Tunghayan sa video ang iba pang tips kontra sa heat stroke at anong mga gear ang maaaring gamitin ng mga rider para malabanan ang matinding init kapag bumibiyahe. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News