Kakaunti na umano ang mga isdang-tabang na nahuhuli ng mga mangingisda sa mga ilog sa Caguray, Occidental Mindoro dahil sa pagdami ng dalawang uri ng predator na kumakailan sa mga maliliit na isda--ang Chinese softshell turtles o ahas-pagong, at ang Marine ell o Malabanos.
Sinubaybayan ng team ng programang "Born To Be Wild" sa Caguray River, sina Jeffrey at Ariel, na bahagi ng grupo na awtorisadong manghuli ng invasive species na Chinese softshell turtles, gamit ang airgun.
Pero kahit marami na silang nahuli, naniniwala ang dalawa na patuloy pa rin ang pagdami ng ahas-pagong, na nagmumula sa China at Taiwan.
Hindi raw malaman ng mga mangingisda sa ilog kung papaano nakarating sa kanilang lugar ang ahas-pagong na itinuturing nilang peste.
Dahil kakaunti na ang isda, napipilitan na ang mga mangingisda na hulihin ang mga ahas-pagong.
Kaya umanong tumagal ng ahas-pagong sa ilalim ng tubig ng hanggang dalawang oras. At nangingitlog ang mga ito ng hanggang 30 piraso, at nagagawa nila ng dalawa hanggang limang beses sa isang taon.
Bukod sa ahas-pagong, kalaban din ng mga mangingisda sa Mangarin river ang isa pang nilalang na kumakain din ng maliliit na isda-- ang Marine ell o Malabanos.
Umaabot umano ang malabanos nang hanggang walong kilo ang bigat. Mahirap itong hulihin dahil madulas at puwedeng mangagat.
Matalino rin umano ang mga malabanos dahil naglulungga o pumuwesto ang mga ito malapit sa mga baklad kung saan mayroon mga isda na puwede nilang kainin.
Pero hindi gaya ng ahas-pagong na mula sa ibang bansa, ang perwisyong malabanos ay galing mismo sa Pilipinas. Mabilis din umano ang pagdami ng mga ito kaya kakaunti na rin lang ang mga isda sa ilog na nahuhuli ng mga mangingisda.
Tumulong ang host ng "BTBW" na si Doc Nielsen Donato sa mga mangingisda sa paglalagay ng pain para makahuli ng malabanos.
Pagkaraan lang ng dalawang oras, may kumagat na sa pain at namangha si Doc Nielsen sa laki ng malabanos na kanilang nahuli. Panoorin ang video. --FRJ, GMA Integrated News