Ngayong summer season, hindi kailangang gumastos ng mahal para mag-enjoy. Alamin ang ilang lugar na malapit sa Metro Manila na puwedeng magtampisaw na hindi kailangang mabutas ang bulsa dahil P10 lang ang entrance.

Sa programang Unang Hirit, sinabing mabubusog ang mata sa magandang tanawin at mag-e-enjoy sa malamig na tubig ng Palakol river sa Florida, Pampanga.

Walong kilometro ang layo mula sa town proper, mararating ang naturang ilog na nasa ilalim ng Gumain bridge.

Mayroon namang mga cottage na puwedeng rentahan sa ilog sa halagang P300.

Sa Norzagaray, Bulacan, puwede ring magtampisaw sa Bitbit river na P10 din ang entrance fee at P300 ang renta sa cottage.

Instagramable din ang palagid at may mga nakamamangha pang rock formations.

Sa Malvar, Batangas, mapupuntahan naman ang Alulod River, na P10 din ang entrance, at P100 ang renta sa cottage.

Bago marating ang ilog, kailangang munang bagtasin ang daan na tinatayang may 300 steps.

Kasamang mae-enjoy sa ilog ang maliliit na isda na puwedeng magpa-fish spa.--FRJ, GMA Integrated News