Kung may kasabihan na "pera na naging bato pa," kabaligtaran naman sa mga gemstone hunter sa Bulacan dahil ang bato na kanilang mahahanap, puwedeng maging pera.
Sa isang episode ng "i-Juander," ipinakilala ang grupo ng gemstone hunters ng Bulacan na sina Carlo Daniel at Harry, na mula sa Pandi.
Pumayag sila na samahan sa paghahanap ng batong hiyas sa sapa, at ipinakita rin ang proseso na pinagdadaanan ng isang bato na puwedeng gawing palamuti o gawing alahas.
Ayon kay Carlo na isang ring lapidary artist, hindi biro ang paghahanap ng batong hiyas. Pero ito raw ang kanilang ikinabubuhay upang matustusan ang kanilang pangangailan ng pamilya.
Maaga umano silang umaalis ng kanilang bahay, magtitiis sa init ng araw, at walang kasiguraduhan kung may makikita ba silang bato na puwede nilang pakinabangan.
Sa pagpunta ng grupo ng sapa, malayong lakarin ang kanilang ginawa sa tirik na araw.
Nang araw na maghanap ng mga batong hiyas ang grupo ni Carlo, inabot sila ng ilang oras bago sila nakakita ng ilang piraso ng bato na maaari nilang gawing alahas.
Isa sa mga batong hiyas na nakita ng grupo sa sapa ay ang tinatawag na Petrified wood, o dating puno na naging fossil pagkaraan ng milyong taon.
Ayon kay Carlo, depende sa kalidad ng petrified wood ang kanilang kinukuha kung puwedeng pang-alahas o koleksyon.
Pero ang nakita nilang petrified wood nang araw na iyon, mababa na raw ang kalidad at malaki kaya iniwan na lang nila sa sapa.
Ngunit hindi naglaon, nakakita na ang grupo ng batong hiyas na puwede nilang iuwi, ang agatized coral, o bato na dating nasa dagat, napadpad sa lupa, at napreserba pagkaraan ng milyon taon.
Ayon kay Carlo, kumikita siya ng P250 sa mga pangkaraniwang gem stone hanggang sa pinakamahal na P2,000 sa mga hindi pangkaraniwang bato.
Ipinakita rin ni Carlo ang proseso na ginagawa nila sa bato bago nila ibebenta upang gawing alahas.
Pumili si Carlo ng bato na tinatawag na Chalcedony na kaniyang pinutol para makuha ang nais niyang sukat. Kasunod nito ay pinakintab na ang bato at pinabilog na parang pendant, at saka niya dinala sa nag-aalahas.
Magkano naman kaya mabibili ang naturang batong hiyas? Panoorin ang buong proseso sa pagpapaganda ng bato upang maging pera sa video na ito ng "i-Juander." --FRJ, GMA Integrated News