Hindi lahat ng tao ay can afford na kumain sa mga mamahaling restaurant na sinasabing kasamang binabayaran ang "ambience." Pero hindi naman kailangang mabutas ang bulsa para malamnan nang masarap na pagkain ang ating mga bituka.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," pinuntahan ng food vlogger na si Carl Chuidian ang ilang simpleng kainan sa Metro Manila pero pinipilahan ng mga tao dahil mura at malinamnam.

Bukod sa gagawing paghusga ni Carl sa lasa ng mga pagkain, ilalahad din sa KMJS ang kuwento ng mga tao sa likod ng naturang mga kainan na maaaring kapulutan ng inspirasyon.

Sa kanto ng P. Zamora St. at 10th Avenue sa Caloocan, pinipilihan ng mga tao tuwing Linggo ng umaga ang isang ulam na once a week lang kung itinda--ang Kare-kare ni Mang Pedring.

Bakit nga ba minsan lang sa isang linggo kung magtinda ng kare-kare si Mang Pedring gayung pinipilahan naman ng mga tao ang kaniyang tinda?

At sa gilid naman ng kalsada sa Barangay Bangcal sa Makati, matatagpuan ang dinadayong food cart na Walastik Pares ni Kabayan Fred, na dati palang jeepney driver.

Ang bida raw sa Walastik Pares, ang lamang-loob at utak na inilalagay sa plastik at kasamang pinapakuluan. Bakit kaya?

Sa Marikina, dinudumog naman pagpatak ng 5:00 pm ang tindahan ng pritong manok ni Rowell.

Pero sa halip na parte ng manok, buong manok ang itinitinda ni Rowell sa halagang P260 ang isa. Ano nga ba ang sikreto ng kaniyang tagumpay? Panoorin ang matakam sa video na ito ng "KMJS." --FRJ, GMA Integrated News