Pinalapit ni Hesus ang mga tao at ang Kaniyang mga alagad at sinabi sa kanila: "Ang sinomang nagnanais sumunod sa Akin ay dapat itakwil ang kaniyang sarili, pasanin ang kaniyang krus at sumunod sa akin”. (Marcos 8:34-36)
MAY mga pagkakataon na nakakarinig tayo ng kuwento o balita tungkol sa isang kakilala o kaibigang seminarista na lumabas ng kumbento at umalis sa kanilang bokasyon. Nalulungkot ako kapag nangyari ito sapagkat para sa akin, isang napakalaking oportunidad ang tawagin ka ng Panginoon para magsilbi sa Kaniya sa pamamagitan ng “spiritual vocation.”
Ngunit sadyang hindi madali ang pagsunod sa kalooban ng ating Panginoon. Dahil may mga pagkakataon na susubukin talaga ang ating pananampalataya at katatagan. Nandiyan maging ang tukso ng gagawin ng demonyo para hindi ka magtuloy sa iyong bokasyon.
Ang pagsunod kay Hesus patungo sa daan ng kabanalan ay hindi isang kalmadong paglalakbay. Alalahanin natin na dito sa ibabaw ng mundo ay napakaraming balakid ang maaaring pumigil sa atin para magpatuloy tayo sa ating pagsunod sa kalooban ng Diyos.
Kung minsan, kung sino pa yung tinawag ng Panginoon na sumunod sa Kaniya para maglingkod, ang kadalasang mas nahaharap sa mga matitinding pagsubok ng buhay. Sila pa ang mas may mabigat na pinagdadadaanan. Kaya ang pagsunod sa Diyos ay mistulang isang krus na kailangan natin pasanin sa ating mga balikat.
Ganito ang mensahe ng Mabuting Balita (Marcos 8:34-36) nang wikain ni Hesus sa mga tao at sa Kaniyang mga alagad na kung sinoman ang nagnanais na sumunod sa Kaniya, ay kailangan niyang itakwil ang kaniyang sarili, at pasanin ang kaniyang krus at saka sumunod sa Kaniya.
Inaanyayahan tayo ni HesuKristo na sumunod sa Kaniya. Subalit tandaan ulit natin na ang pagsunod kay Hesus ay hindi magiging madali. Para itong isang daan na malubak at paliko-liko.
Ang pagpasan ng krus gaya ng binabanggit ni Hesus sa Ebanghelyo ay hindi ang tipikal o literal na krus na gaya ng pinapasan ng mga nagpipinetensiya. Kundi, ito'y krus ng pagtitiis at pagsasakripisyo.
Kung minsan, mismong ang ating pamilya ang hindi kaagad makakaunawa sa atin. Maaaring makatanggap sa kanila ng pagpuna at pagbatikos sa gagawin mong pagsunod sa kalooban ng Panginoong Diyos.
Ang paalala pa sa atin ni Hesus sa Pagbasa ay kung nakahanda rin ba tayong kalimutan o itakwil ang ating sarili para sumunod sa Kaniya. (Marcos 8:34) Ang pagtatakwil sa ating sarili ay sa pamamagitan ng pagbabalik-loob sa Diyos mula sa ating lumang pamumuhay na maaaring makasalanan.
Dapat na suriing mabuti ang sarili kung nakahanda ka bang talikuran ang komportable mong pamumuhay, kapalit ng pamumuhay na payak gaya ni Hesus. Pero tandaaan na hindi tayo pinipilit ng Diyos.
Binigyan tayo ng kalayaan ng Diyos na mamili ng ating magiging buhay dito sa ibabaw ng lupa. Mayroon tayong kalayaan na mamili kung ano gusto nating uri ng pamumuhay. Subalit isipin din ang magiging bunga ng anomang desisyon na ating pipiliin.
Hindi tayo maaaring sumunod kay Hesus at tumalima sa Kaniyang imbitasyon kung wala ang ating puso para rito. Maaaring minsan lamang mangyayari ang paanyaya sa atin ni Hesus para sumunod sa kaniya, kaya dapat hindi sayangin. Amen.
--FRJ, GMA Integrated News