Ngayong tag-init, patok na naman ang mga pagkaing malamig, lalo na ang ice cream na may iba’t ibang flavors. Pero ang isang creamery, ginawa na ring daw flavor mula sa “gatas ng ina?”
Sa programang “i-Juander,” ipinakilala ang 38-anyos na si Edy Liu, owner ng Fog City Creamery, na gumagawa ng artisanal ice cream, o mga flavor na kakaiba o espesyal na hindi kadalasang nakikita sa merkado.
Kabilang sa kanilang flavors ang ensaymada, calamansi, suman sa latik, olive oil, malunggay, at "breastfeeding" milk.
Gayunman, ang breastfeeding milk flavor ay hindi mula sa gatas ng ina na tao, kundi mula sa inahing baka.
Nakatutulong daw ang ice cream na mula sa gatas ng inahing baka para mas makagawa pa ng gatas ang mga ina na nagpapadede ng sanggol.
“I wanted to create a product na masaya namang kainin. At the same time nakaka-produce ng more milk. So we created ice cream flavors to promote more milk for breastfeeding mothers. And that’s how we started our breastfeeding ice cream flavors,” sabi ni Liu.
Gumagamit ang kompanya ni Liu ng fresh milk, dahil mas nasisiguro ang kalidad ng ice cream sa pagiging all-natural ito at walang preservatives.
Kuwento ni Liu, buntis siya bilang first-time mom noong panahon ng pandemya, at doon niya napagtanto ang kahalagahan ng breastfeeding.
Bukod dito, nahirapan din siyang magpa-breastfeed.
Para makatulong sa mga ina na may katulad niyang pinagdadaanan, naisipan niya ni Liu na maglagay ng “galactagogue” sa kanilang ice cream, na nakapagpaparami ng gatas ng ina para hindi mahirapang magpa-breastfeed. --FRJ, GMA Integrated News