Durian, patis, bagoong: mga pagkain na hindi kaiga-igaya sa ilong pero hinahanap-hanap naman ng panlasa. Isama na rin sa listahan na ito ang "bibingkang abnoy" ng Sta. Cruz, Laguna na gawa sa bugok na itlog ng itik.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo," paboritong miryenda umano ng mga tao sa Sta. Cruz ang bibingkang abnoy.
Ayon kay Vita Valdeabella, kawani sa Mayor's office, maraming nag-aalaga ng itik sa kanilang lugar na pinanggagalingan din ng itlog na ginagawang balot at penoy.
Ang mga abnoy, mga itlog daw na malapit nang mabulok o nasira na ang sisiw.
At sa halip na itapon, ginagawang bibingka ang mga itlog na abnoy para pakinabangan.
Nabibili ang abnoy na itlog sa halagang P5 ang isang piraso.
"Sinabing abnoy kasi kahit buo pa siya iba na ang amoy niya, parang mabaho," sabi ni Valdeabella.
Si Cheche del Rosario, isa sa mga nagluluto ng bibingkang abnoy mula pa noong high school.
Dati raw nagtitinda ng bibingkang abnoy ang kaniyang ama. Ngayon, made to order ang ginagawa niyang bibingkang abnoy na may presyong P300 hanggang P350.
Ang street vendor naman ng bibingkang abnoy na si Lola Mercy Cepe, 80-anyos, P250 ang presyo ng isang buong bibingka, at P10 pataas ang per slice.
Pero paalala ni Beatrice Fuentes, registered nutritionist-dietitian, dapat tiyakin na naluto ang bibingka para mamatay ang bacteria na salmonella sa itlog.
At kahit bugok na, may sustansiya pa rin daw na makukuha ang abnoy na itlog bagaman hindi na katulad ng nasa sariwang itlog.
Hindi raw daw dapat dalasan ang pagkain bibingkang abnoy dahil nakapagpapataas ito ng kolesterol at blood pressure.
Paano nga ba ang magluto ng bibingkang abnoy? Tunghayan sa video ang buong kuwento.--FRJ, GMA Integrated News