Tulad ng COVID-19, may isa ring sakit na tumatama sa mga bata sa pamamagitan ng respiratory droplets na tinatawag na Respiratory Syncytial Virus (RSV). Ano ang mga sintomas ng sakit na ito, at paano ito maiiwasan?
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Darlene Cay, sinabing simpleng ubo, sipon at lagnat ang mga naging sintomas ng magkaroon ng sakit ang tatlong-taong-gulang na anak ni Mommy Ricca na si Jada.
Pero nang isugod sa ospital si Jada, doon na natuklasan na mayroong Respiratory Syncytial Virus ang bata.
Masigla at mapaglaro raw si Baby Jada, kaya naman nag-alala si Ricca nang maging tahimik ito at matamlay.
Nagsimula lamang sa ubo at sipon at sinat, umabot ito ng tatlong araw, at kinalaunan ay nagreklamo na rin si Baby Jada ng kahirapan na siya sa paghinga.
“Hindi na siya masyadong nagsasalita, eh sobrang madaldal siya eh, tapos ‘yung paghinga niya, tumataas na ‘yung dibdib niya talaga,” sabi ni Ricca.
Sa ospital na nakumpirma na may RSV si baby Jada, kung saan lumabas sa kaniyang x-ray na mayroon siyang pneumonia at bronchiolitis.
Ang respiratory syncytial virus ay isang uri ng viral infection sa airways o daanan ng hangin ng isang tao, na naipapasa sa pamamagitan ng respiratory droplets, gaya ng COVID-19.
Ilan sa mga sintomas ng RSV ang ubo, sipon, paghingal, at pangingitim ng labi o daliri.
Sa mga pasyenteng may malalang kondisyon, kailangan nila ng tulong sa paghinga at maaaring ipa-admit sa ICU.
Naitala ang surge ng kaso ng RSV sa Pilipinas nitong 2022, kung saan 200 bata ang tinamaan mula Enero hanggang Agosto. Sa USA, 2.1 milyong outpatients ang naitala noong winter.
Kaya naman ibayong pag-iingat ang ginagawa ni Ricca gaya ng pagsusuot ng face mask dahil wala pang bakuna o gamot para sa naturang sakit.-- FRJ, GMA Integrated News