Sa programang "Pinoy MD," sinagot ng internist at wellness expert na si Dr. Oyie Balburias ang iba't ibang katanungan tungkol sa kalusugan. Kasama rito ang tanong senyales nga ba ng iba pang karamdaman ang pananakit ng ngipin.

Ayon kay Dr. Oyie, nakita na maging ng mga cardiologist ang koneksyon ng "periodontal" disease sa iba pang mga karamdaman.

Kung may periodontal disease umano ang isang tao, maaari siyang may dental caries o gingivitis, na posibleng magdulot ng chronic inflammation.

"Ang chronic inflammation ay isang mekanismo sa ating katawan na kapag hindi nakontrol ay maaaring magdulot ng iba't ibang karamdaman tulad ng sakit sa puso, cancer at iba pang karamdaman na associated sa chronic inflammatory condition," sabi ni Dr. Oyie.

Samantala, ipinaliwanag din ni Dr. Oyie, na ang pananakit ng batok ay maaaring mangyari kapag mataas ang presyon dahil sa mataas na blood pressure. Ito umano ay indikasyon na ang pressure sa loob ng blood vessel ay nagdudulot ng hindi magandang pagdaloy ng dugo.

"Supposedly ang daloy ng dugo sa ating blood vessel ay tinatawag nating laminar. Kaya kung ito ay hindi smooth at ito'y maalon, ito'y maaaring magdulot ng pag-stretch ng nerve endings na nandoon din sa ating blood vesssels. Ito ang pwedeng magdulot ng pananakit kung mataas ang ating presyon," ayon kay Dr. Oyie.

Tunghayan sa Pinoy MD ang kasagutan kung maaari nga bang pumayat ang isang tao kahit hindi nag-e-ehersisyo? Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News