Nagwakas na ang pangungulila ng isang ina sa kaniyang nag-iisang anak na babae na tinangay umano ng kaniyang mister 50 taon na ang nakalilipas. Pero mapatawad kaya siya ng anak na ang natanggap na bersiyon ng kuwento ay ipinaampon siya dahil sumama sa ibang lalaki ang kaniyang ina?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ni Nanay Violeta, na naghiwalay sila ng kaniyang mister noong dekada 70s. Kinuha umano ng kaniyang mister ang dalawa nilang anak na lalaki na sina Ariel at Arthur.
Naiwan naman sa kaniya noon ang tatlong-taong-gulang na anak nilang babae na si Arlene. Pero habang wala umano si Violeta sa bahay, nagtungo sa kanila ang kaniyang mister at hiniram si Arlene.
Magmula noon, hindi na rin nakita ni Nanay Violeta ang anak na babae.
Sa paglipas ng panahon, nagkaroon muli ng bagong pamilya si Violeta at nagkaroon ng tatlong anak na lalaki.
Hanggang sa dumating naman ang pagkakataon na nagkaroon siya ng komunikasyon sa dalawang anak na lalaki na si Ariel at Arthur.
Aminado ang dalawa na may tampo sila sa kanilang ina dahil sa pag-aakalang hindi sila hinanap nito. Naging mahirap umano ang kanilang buhay sa piling ng kanilang ama at hindi sila nakatapos ng pag-aaral.
Ngunit ang lahat ng sama ng loob, naglaho kina Ariel at Arthur nang makita nila nang personal at nayakap ang kanilang ina.
Matapos na makita ang dalawang anak na lalaki, pangarap ni Nanay Violeta na makita rin sana niya si Arlene bago man lang siya mawala sa mundo.
Nang i-post ni Violeta ang tanging larawan ni Arlene noong bata pa at birth certificate nito, dalawang babae na sina Arlene Cruz mula sa Bulacan at Luisa Jamilla mula sa Oriental Mindoro, ang lumutang at nagpahayag na baka sila ang anak na hinahanap ni Violeta.
Matapos isailalim sa DNA test ang dalawa, may isa pang humabol na nagsabing siya ang nawawalang anak ni Violeta na itinago sa pangalang "Lyn," na nagtatrabaho ngayon bilang caregiver sa Riyadh, Saudi Arabia.
Ayon kay Lyn, isang kaibigan niya ang nag-text at nagpadala sa kaniya ng link tungkol sa larawan ng bata at sa birth certificate nito.
Kinumpirma ni Lyn sa kaibigan na siya ang bata na nasa larawan.
Ayon kay Lyn, ipinaampon siya sa halagang P2,000. At nang pumanaw ang mga umampon sa kaniya, namuhay siyang mag-isa hanggang sa mamasukang caregiver sa KSA noong 2015.
Batay sa kuwento na natanggap niya, nagkaroon umano ng ibang lalaki ang kaniyang ina at ipinaampon siya dahil walang mag-aalaga sa kaniya.
Sinabihan din umano siya na mayroon din siyang dalawang kapatid na lalaki.
Kaya naman pati si Lyn ay kinuhanan na rin ng sample upang isalang sa DNA test.
At batay sa resulta ng DNA test, ang caregiver na si Lyn ang nawalay na anak ni Nanay Violeta.
Sa pamamagitan ng video, nakausap ni Lyn na nasa KSA ang kaniyang ina na nasa Pilipinas. Mapatawad kaya niya ang kaniyang nanay batay sa bersiyon ng mga pangyayari na kaniyang nakuha? Buhay pa kaya hanggang ngayon ang kaniyang ama? Panoorin ang buong kuwento sa video ng "KMJS."--FRJ, GMA Integrated News