Dahil sa pagkahilig ng mga bata sa matatamis, madalas na ito ang sanhi ng maagang pagkabulok o pagkasira ng kanilang mga ngipin. Pero maiiwasan na raw ito sa pamamagitan ng pagkakabit ng stainless steel crowns, o takip bilang proteksyon sa ngipin.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Patricia Tumulak, ikinuwento ng inang si Queenie Sulit, na halos mabulok na ang ngipin ng anak niyang si Scarlet na mahilig umano sa mga tsokolate.
Kaya naman nilagyan ng silver caps o stainless steel crowns ang apat na ngipin sa harapan ni Scarlet. Kusa umano maaalis ang mga ngipin ng bata pagsapit nito sa edad na anim o pito, kasama ang stainless steel crowns.
Ipinaliwanag ni Dr. Kristine Medel, Head of Pediatric Dentistry ng Philippine Children Medical Center, na mahalagang mapangalagaan ang mga primary teeth o baby teeth ng mga bata. Ito raw kasi ang nagsisilbing gabay ng permanent teeth na karaniwang lumalabas sa pagtapak nila sa edad na anim hanggang pito.
Makatutulong din umano ang silver crowns para maisalba ang mga sirang ngipin sa halip na tuluyang bunutin.
Mas mabuti raw na gamitin ang silver crowns para sa mga molar o bagang kapag sumasakop ang cavity sa dalawa o higit pang mga surface.
Mayroon na ring mga strip of crowns para sa mga ngipin sa harapan, na lalagyan ng dental composites ang labas para maging kakulay ng totoong ngipin.
Nagkakahalaga ng P1,500 hanggang P3,000 ang pagpapalagay ng silver crowns at strip of crowns kada ngipin.
"Stainless steel crown man 'yung gamitin sa harap, mas maganda po sanang hiwa-hiwalay para mas malinis at mas nafo-floss. Mas maganda rin po na hiwa-hiwalay kasi naggo-grow po ang ating jaw. Kapag nakadikit lahat ng ngipin, medyo nahi-hinder ang growth sa segment kung saan dikit-dikit," sabi ni Dr. Medel. -- FRJ, GMA Integrated News