Palaisipan pa rin sa ilang residente ang umano'y tila bolang apoy sa kalangitan na nakita sa bahagi ng Bataraza, Palawan at nasundan pa ng pagsabog. Hinala nila, isa itong bulalakaw na posibleng nag-iwan ng bakas o palatandaan sa isang kabundukan kung saan hinihinalang bumagsak ito.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho”, nakunan ng video ang biglaang pagliwanag ng paligid sa dis-oras ng gabi. Nasundan pa ito ng pagsabog at nakaramdam din ng pagyanig.

“Pagka-ano namin [nu’ng una] fireworks lang siya kasi kagagaling lang ng Bagong Taon,” saad ni Boyet Patio, nakasaksi ng pangyayari at residente ng Sitio Bohoy, Uka.

Dahil sa pagsabog, agad daw niyang tiningnan ang kanilang CCTV camera kung nakuhanan ang pangyayari.

Sa video, makikitang madilim lang sa labas ng bahay nila Boyet, pero ilang segundo pa ang lumipas tila nagliwanag na ang kapaligaran at nakarinig daw sila ng malakas na pagsabog.

“Ang itsura ng liwanag sa personal parang pula siya na may halong blue… parang kulog na sobrang lakas daw ng impact,” aniya pa.

Ang residente naman na si Biboy Sawase, nasa labas noon ng bahay at nakita raw niya ang buong pangyayari.

“Kitang-kita ko ang pangyayari na ‘yun, kulay pula parang apoy, parang bulalakaw,” sambit ni Biboy.

Nakunan naman ng litrato ni Luz Emperial ang naturang bagay sa kalangitan na inakala raw niyang eroplano lang na dumaan.

“[Pero] pagtingin ko, iba pala. Parang katapusan na ng mundo, ganoon ang nararamdaman ko,” giit pa ni Luz.

Pero sila Luz at Boyet, dudang bulalakaw ang sumabog at yumanig sa kanilang lugar.

“Parang spaceship, takot na takot po talaga ako, parang ‘yun na ang armageddon,” salaysay ni Luz.

“Nakita namin sa Facebook, rocket pala ‘yun. Du’n na kami kinabahan. Kung sa amin pala bumagsak ‘yun, patay na kami,” dagdag pa ni Boyet.

Para maliwanagan kung ano ang bumagsak sa Bataraza, kumonsulta ang team ng KMJS sa PhilSA

Ayon kay Dr. Paul Atchong Hilario, isang Space Science & Technology Application Researcher sa PhilSA, maaaring artificial at natural ang pangyayaring nasaksihan ng mga residente ng Bataraza.

“Kapag natural walang warning ‘yan. Puwede ‘yan mangyari anytime. Pero meteor shower predicted ‘yan kasi alam natin kung dumadaan sa meteoral field ang Earth. Kung kailan babagsak ang mismong particular debris, hindi natin alam iyon,” paliwanag ni Hilario.

Imposibleng debris daw ito ng rocket ship mula sa China katulad ng unang hinala.

“Kapag rocket debris, 5 minutes from launch, babagsak na ‘yun. So, kung araw ang binilang natin malabo na ‘yan na doon na nanggagaling,” diin pa ni Hilario.

Kung ganoon, ano nga ba ito?

“Katulad ng nakikita natin sa TV, bato siyang umaapoy na nagbabaga,” sabi ni Muhaiman Arabia, residente ng Marangas, Bataraza.

“Nag-ikot po tayo, nag-imbestiga sa himpapawid at sa karagatan kung saan posibleng bumagsak o nalaglag ‘yung mga debris na sinasabi nilang sumabog at nagliyab daw o lumiwanag,” ani PIO Western Command Palawan Captain Reynaldo Aragones Jr.

Para malaman kung bulalakaw nga ito, pinuntahan ng mga residente at mga tauhan ng PHILSCA ang Mt. Tres Marias, na posibleng pinagbagsakan daw ng hinihinalang bulalakaw.

May makikita kaya silang bakas ng pagbagsak o bahagi ng meteorite na maaaring may katumbas na malaking hakaga? Tunghayan ang buong kuwento sa video ng “Kapuso Mo, Jessica Soho.” -- FRJ, GMA Integrated News