Bagong taon, bagong mga kalendaryo na naman ang isasabit ng mga Pinoy sa kanilang mga bahay na magpapa-alala ng mga mahahalagang petsa. Saan nga ba nagsimula ang kalendaryo, at ano ang mabusising pinagdadaanan nito bago mabuo?

Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Susan Enriquez, sinabing ang salitang kalendaryo ay hango sa salitang Latin na "calendarium" o "account book."

Bago nito, hindi iniimprenta ang sinaunang kalendaryo at sa halip ay nakikita sa kalikasan.

Noong unang panahon sa Pilipinas, may tinatawag na Tiduray constellation, kung saan tinitingnan ng mga Tiduray ang pagtaas o pag-angat ng Orion constellation na tinawag nilang Seretar, ayon sa astrologer na si Resti Santiago.

Ngunit ngayon, ginagamit na ng mga tao ang Gregorian calendar, na nakatugma sa paggalaw ng buwan tulad ng full moon at new moon, at mga planeta.

Sa Roman calendar, ipinangalan sa mga Romanong diyos ang mga buwan, na katumbas din sa 12 Zodiac signs. Ang mga pangalan ng araw sa isang linggo ay nakabase naman sa mga planeta, kasama ang araw [sun] at buwan [moon].

Ayon kay Irene Lopez, 12 taon nang gumagawa ng kalendaryo sa Trece Martires, Cavite, in demand pa rin ang mga kalendaryo lalo tuwing ber months hanggang Enero.

Sobrang in demand pa rin nito kahit noong pandemya dahil ipinamimigay ito bilang giveaways.

Sa paglikha ng kalendaryo, magsisimula muna sa layout at disenyo sa computer software kung saan mabusising ilalagay ang mga detalye. Dapat kumpleto ito sa buwan, sa mga holiday, at mga high at low tide.

Sunod na ilalagay ang layout sa pagitan ng mga roller ng offset printer, na siyang maglilipat ng text at mga larawan sa papel. Gumagamit sina Lopez ng papel ng libro.

Matapos iprinta, pagsasama-samahin na ang mga pahina ng kalendaryo, na susundan ng pagtaktak at padding, o pagdidikit ng mga pahina nito.

Pinakahuling hakbang ang sliding o pagkakabit ng pansabit ng kalendaryo.

Kumikita sina Lopez ng P20,000 hanggang P30,000 kada buwan sa kanilang negosyong paggawa ng kalendaryo.--FRJ, GMA Integrated News