Maging malusog at normal ang dasal ng mga magulang sa kanilang paparating na supling. Pero may mga pagkakataon na nagkakaroon ng bingot o cleft lip ang sanggol. Bakit nga ba ito nangyayari? Alamin ang paliwanag ng duktor.
Sa programang “Pinoy MD,” inihayag ni Shiena Palulay ang nadama niyang lungkot nang malaman niya na may bingot ang kaniyang anak na si Sky nang kaniyang iluwal.
Sa apat na anak ni Shiena, si Sky lang daw ang ipinanganak ng may cleft lip.
“Sa bunso ko naman pong anak, ang pinagkaiba lang po sa kanilang tatlo, medyo maselan lang po. Lagi lang po nananakit ‘yung balakang ko at saka tagiliran,” saad ng ginang.
Naniniwala siya na may kinalaman ang stress sa naging kondisyon ni Sky.
“Na-stress po ako ng sobra sa asawa ko rin po. Minsan wala pong sideline. ‘Yung tatlo ko pong anak magugulo po, maiingay, ganoon po. Kasi kapag buntis ka mainitin talaga ang ulo mo,” ani Shiena.
Binanggit din niya na hindi rin nakita sa kaniyang monthly check up ang kondisyon ni Sky noong nasa sinapupunan pa niya.
“'Yung pagkapanganak ko lang po nalaman. Hindi nakita sa ultrasound. Nagulat po ako sabi ng midwife ko po, may cleft lip. Sabi po sa akin ‘yung bingot po. Naisip ko nu’n bakit ganito ‘yung binigay sa akin,” sabi niya. “Naiyak po ako kasi iningatan ko naman po ‘yung baby ko. Pero ganoon po ‘yung naging hitsura niya paglabas.”
Ayon sa direktor ng Philippine Bank of Mercy na si Dr. Hector Santos Jr., ang cleft lift o palate ay isang congenital anomaly kung saan ipinanganak ang sanggol na hindi nabuo ang labi, gilagid o ngala-ngala nito.
“Sa development ng embryo sa loob ng katawan dapat ‘yan sa edad ng mga 14 weeks up to the 18 weeks nagsasara ‘yung ngala-ngala ng bata at saka ‘yung labi,” sabi ni Santos.
“Kung mayroon mga problema, sakit ng nanay o sa bata mismo, sa loob ng sinapupunan, hindi ito nagtutuloy-tuloy at nagsasara,” dagdag pa niya.
Sinabi rin ng doktor na karaniwang namamana rin ang cleft lip sa mga magulang o kaanak.
Pero posible rin daw itong may kaugnayan sa kalusugan ng nanay.
“’Yung iba ho ay dahil sa malnutrition ng nanay nu’ng siya ay nagbubuntis, most especially during the first 2 to 3 months ng pregnancy niya kung hindi wasto ang iniinom na gamot at pagkain,” paliwanag pa ng duktor.
Ayon pa kay Santos, posible rin daw na sanhi ng cleft lip ang pag-inom ng ilang gamot na hindi naaayon kung buntis ang babae.
“May mga infection. Nagkaroon ng mga measles, nagkaroon ng mga flu ang nanay nu’ng siya ay nagbubuntis. Magulang na mayroong history ng epilepsies at umiinom ng gamot nagkakaroon din ng mataas na probabilidad na magkaroon ng mga bingot ng anak,” sinabi pa ni Santos.
Gayunman, ang pagkabingot nga ba ay sa pagkapanganak lang malalaman? O posible kaya itong maiwasan kung agad na makikita ng doktor ang hitsura ng sanggol kahit nasa sinapupunan pa lang?
Tunghayan ang buong pagtalakay sa video ng "Pinoy MD." --FRJ, GMA Integrated News