Nangangambang mahinto sa kaniyang hilig sa musika ang isang lalaki dahil sa nararamdaman niyang pananakit ng ulo, lalamunan, tainga at paghina ng pandinig. Mga sintomas na pala ito ng isang uri ng cancer.
Sa kuwentong "Dapat Alam Mo!" ni Mariz Umali, ikinuwento ng nasopharyngeal patient na si Ranielle Sarmiento, na simula elementarya ay madalas na siyang nagkakaroon ng pagdurugo ng ilong.
Inakala raw nila noon na dahil lang sa init ng panahon ang pagdurugo ng kaniyang ilong.
Noong 2021, na-diagnose si Sarmiento na mayroong sinusitis. Naapektuhan nito ang kaniyang kaliwang tainga kaya sinuri ito ng doktor at doon na nakita ang malignant mass sa likod ng kaniyang ilong.
Paliwanag ni Dr. Rachael Rosario, executive director ng Philippine Cancer Society, ang nasopharyngeal carcinoma ay isang uri ng cancer na tumutubo sa likod ng ilong at sa itaas ng lalamunan.
Bihira lamang ito at hindi pa matukoy ang sanhi, na mas madalas sa mga lalaki kaysa mga babae tumatama.
Dahil sa kaniyang cancer, humihina ang pandinig ni Sarmiento, na kailangan pa naman niya bilang isang musikero.
Noong nasa kolehiyo, naging working student si Sarmiento, na tumutugtog sa mga bar para matustusan ang kaniyang pag-aaral. Sumali rin siya sa theater at tumugtog sa mga concert at iba't ibang orchestra sa Pilipinas.
Dahil sa kaniyang cancer, nangangamba si Sarmiento na mahirapan siya sa interes niya sa musika.
"Actually hanggang ngayon sobrang alarmed pa rin ako na baka hindi siya bumalik kasi hanggang ngayon hindi pa rin okay, mahina 'yung pandinig ko. Tapos nagdo-double vision ako 'pag masyadong malakas 'yung ilaw, naduduling ako," sabi ni Sarmiento.
Sumasailalim sa ngayon si Sarimento sa chemotherapy at radiation session.
Sa mga gustong tumulong kay Sarmiento, maaaring magpadala sa Gcash: 09959349425.--FRJ, GMA Integrated News