Sa programang “Pinoy MD”, sinabi ng dermatologist na si Dr. Jean Marquez na may iniinom na gamot para sa psoriasis ngunit hindi raw ito ang ‘first line of treatment.’
“Usually, sinubukan muna ng pamahid at phototherapy. ‘Yan muna ang first line. And of course, may mga alternative din na mga treatments na maaaring pwedeng gawin, na mga lifestyle modification,” tugon ni Marquez sa nagpadala ng tanong tungkol sa psoriasis.
WATCH: Ano ang psoriasis at bakit 'di dapat katakutan ang mayroon nito?
Ayon pa sa doktor, kung hindi bubuti ang kondisyon sa balat kapag ginawa ang pamahid, phototherapy, at pagbabago sa lifestyle, doon pa lang irerekomenda ang pag-inom ng gamot.
“Ngayon kapag hindi na talaga siya nag-improve dun, dun na tayo magbibigay ng mga oral medications. And most of these oral medications will control the inflammation, ‘yung pamamaga, pamumula and ‘yung immune reaction ng katawan dun sa balat,” paliwanag ng doktora.
Ang naturang oral medications na ibinibigay sa mga pasyente ay tinatawag na immunosuppressants.
Dahil matapang ang mga ito at maaaring may side effects, binigyan-diin ni Marquez na ibinibigay lamang ito kapag may supervision ng isang dermatologist.
“At meron ding mga injectables. Ang tawag dun ay mga biologics. Ganoon din ang kaniyang action. And usually, sa severe psoriasis at psoriatic arthritis, ito ang binibigay,” giit pa niya.
Samantala, sinagot din ni Dra. Marquez ang isa pang tanong tungkol sa ipinapahid sa wrinkles.
Sinabi ng doktora na may iba’t ibang klase ng wrinkles tulad ng fine lines, deep wrinkles at dynamic lines.
Ayon sa kaniya, ang mga pamahid sa wrinkles ay nakakatulong sa mga fine wrinkle o ang mga maliliit na mga linya at masyadong mababaw.
“Pero ‘yung malalalim na lines, ‘yun mga deep and dynamic lines, ang nakakatulong na diyan ay lasers and of course sa mga dynamic lines, lumalabas kapag sumisimangot at ngumingiti, ‘yan na ay nakakatulong diyan ang tinatawag na botox,” sambit pa ni Marquez.
“So, it’s usually a combination of botox, lasers at mga pamahid para tuluyang mawala o mag-improve ‘yung mga wrinkles na ‘yan,” paliwanag niya.--FRJ, GMA Integrated News