Lumabas sa isang pag-aaral sa London na kaya umanong bawasan ng isang hallucinogen mula sa magic mushrooms ang mga sintomas ng depresyon at iba pang problema sa mental health.
Sa ulat ng GMA News Feed, sinabing ginamit sa pag-aaral ng isang pharmaceutical company ang Psilocybin na nasa magic mushrooms
Isa itong psychedelic compound na natatagpuan sa fungi, na siya ring chemical substance sa magic mushrooms na nagdudulot ng halusinasyon.
Sinuri ang 233 pasyente na treatement-resistant o hindi tinatablan ng mga gamot. Hinati sila sa tatlong grupo at binigyan ng iba't ibang dose ng magic mushrooms.
Pagkalipas ng tatlong linggo, nadiskubre ng mga researcher na malaki ang pagbuti ng mga pasyenteng binigyan ng pinakamataas na dose na 25 mg.
"The treatment we're trying to employ is psilocybin comp 360. That's a crystalline synthetic form of psilocybin, which we give as a single administration to patients with psychological support," sabi ni Guy Goodwin ng COMPASS Pathways.
Lumabas na tila mahika ang epekto ng magic mushrooms kumpara sa anti-depressants, na linggo ang aabutin bago umepekto.
Nagkaroon ng "waking dream-like" state nang hanggang anim na oras ang mga pasyenteng nabigyan ng magic mushrooms, na nakatutulong sa kanila. Tinatarget ng Psilocybin ang bahagi ng utak na siyang nagpoproseso sa emosyon ng tao.
"Things can start to look strange, your sense of time can slow up, or speed up or slow down and you can get strange sensations going through your body and strange experiences," sabi ng psychiatrist na si James Rucker.
Pinag-aaralan din ang posibleng epekto ng magic mushrooms bilang lunas sa post-traumatic stress disorder (PTSD) at sa anorexia.
Problema nga lang na ilegal ang paggamit ng magic mushrooms sa maraming states sa Amerika at sa iba pang mga bansa.
Nagkaroon din ng mga agam-agam ang ilang siyentipiko dahil sa hindi pantay-pantay na paghahatid ng treatment sa mga pasyente at hindi pare-parehong antas ng kanilang sintomas.
Gayunman, desidido ang mga researcher na ituloy ang pag-aaral dahil limitado ang gamutan para sa mga isyu ng mental health.--FRJ, GMA News