Pinandidirihan at peste kung ituring ang mga langaw. Pero sa Mabalacat, Pampanga, isang uri ng langaw ang inaalagaan at pinaparami pa dahil may pakinabang at puwedeng pagkakitaan.
Sa programang "Dapat Alam Mo!," ang naturang uri ng langaw na pinaparami ni Ronald James Bayang isang farm ay ang mga tinatawag na black soldier fly.
Nakalagay ang mga langaw sa isang pasilidad na napapalibutan ng net at screen para hindi makalabas. Dito pinaparami ang mga langaw at kinokolekta ang kanilang mga itlog.
Ang mga itlog, hihintay na maging larva na puwedeng gawing feeds o patuka sa manok at itik.
Nagkakahalaga ng P45 per kilo ang malalaking larva na puwedeng patuka sa mga manok at itik.
Ang dumi nila, puwede namang gawing abono o pataba sa lupa, o organic fertilizer. Ang halaga nito, P500 kada 45 kilograms.
Bukod pa rito, nakakatulong din ang mga black soldier fly sa pag-convert ng biodegradable waste.
Napag-alaman na tumatagal lang ng lima hanggang siyam na araw ang buhay ng black soldier fly. Ang lalaking langaw, mamamatay na sa sandaling makipagtalik.
Ang mga babaeng langaw naman, mamamatay na sa sandaling makapangitlog.
Sa ngayon, iilan pa lang umano ang nakakadiskubre sa pakinabang ng black soldier fly, na kabilang sa iilang uri (mahigit 1,000 uri ng langaw) na itinuturing may magandang pakinabang.--FRJ, GMA News