Kakaibang talento sa pagguhit ang ipinamalas ng isang artist mula sa Leyte. Kaya niya kasing iguhit ang isang tao sa pamamagitan ng paulit-ulit na pagsulat ng pangalan nito.
Sa programang Dapat Alam Mo!, ibinida ni Alvin John Ortega ang kaniyang typography art na paraan niya ng portrait drawing.
“Ang typography ay isang art technique kung saan gagawa ka ng art sa pamamagitan ng pagsulat ng mga pangalan. Same process lang din siya sa ibang medium. Ang kaibahan lang imbis na i-shade mo siya nang buo, susulat ka nang maliliit na pangalan para ma-shade mo ‘yung certain area,” paliwanag ni Alvin.
Una niyang niyang iginuguhit ang imahe sa papel gamit ang lapis. Saka niya paulit-ulit na isinusulat ang pangalan ng subject. Gumagamit din siya ng iba’t ibang kapal ng ballpen upang makabuo ng dimension at shading para sa larawan.
“Pinakamahirap is ‘yung pag-shade sa mga shadow area kasi dapat alalay lang ‘yung kamay mo. Kasi kahit konting mali lang sa diin ng pen maaaring masira na ‘yung drawing,” sabi pa niya.
Matagal nang gumuguhit si Alvin ngunit tinalikuran niya ang sining nang pumanaw ang kaniyang ama na isang calligraphy artist.
Labing-isang taon umano siyang nahinto dahil sa pagkawala ng haligi ng kanilang tahanan at kasabay nito ang pagkawala ng kaniyang inspirasyon na lumikha muli ng mga artwork.
“Noong ako ay high school pa lang, namatay ang aking ama dulot nang nalalanghap niya ‘yung mga kemikal galing sa pintura,” kuwento ni Alvin.
Nang matutunan niya ang typography, bumalik ang sigla ni Alvin sa art. Ito na rin ang kaniyang naging kabuhayan.
“Thankful ako na may ganito akong talent kasi may napapasaya akong tao gamit ‘yung art ko. Ito rin ‘yung naging source of income ko noong pandemic,” dagdag pa niya.
Bagama’t wala na ang ama, patuloy umano itong nagsisilbing inspirasyon para sa kaniya.
“Ang natutunan kong aral mula sa aking ama ay ‘yung magpatuloy ka lang kahit nagkamali ka. Kung nagkamali ka, ulitin mo lang tapos matuto ka sa pagkakamali mo. Hanggang ngayon, dala ko pa rin ang aral na yun,” saad niya.
“Dapat alam mo na sa paggawa ng typography o kahit anong art style, dadaan ka muna sa maraming pagkakamali bago mo makabisado. Sa art kasi walang perpekto. Ang dapat mo lang gawin ay tandaan kung saan ka nagkamali at iimprove mo ito. Sabi nga, ‘learn from your mistakes’,” dagdag nito. --FRJ, GMA News