Hindi mawawala sa pagkaing Pinoy, lalo na sa mga pinirito, ang banana ketchup, na kung minsan ay isinasama rin bilang sangkap sa mga ulam. Ang patok na sawsawan na ito, isang Pinay pala ang nakaimbento.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Kuya Kim Atienza, sinabing ang banana ketchup ay naimbento ng BatangueƱang chemist na si Maria Orosa.
Ayon kay Christine Marie Lim Magpili, Philippine Studies Scholar sa UP-Diliman, isa si Maria Orosa sa mga pensiyonada o iskolar, na nabigyan ng pagkakataong makapag-aral sa mga paaralan o unibersidad sa Amerika.
Nakakuha si Maria Orosa ng tatlong undergraduate at isang masteral degree sa Amerika, bago siya bumalik sa Pilipinas, at tumulong sa kaniyang mga kababayan.
Dagdag ni Magpili, tinuruan ni Maria Orosa ang mga tao sa mga rural area na tiyaking lubusang nagagamit ang mga pagkain, lalo ang mga prutas.
Malaki ang naiambag ng mga nagawang pagkain ni Maria Orosa noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Pero isa sa pinakatumatak ang banana ketchup.
"Dahil may scarcity ng mga produkto mula sa ibang bansa kagaya ng Estados Unidos, naisip din niya na magandang alternatibo na gamitin ang mga agrikultural na resources na meron tayo sa bansa. At ano ba ang abundant sa Pilipinas? Saging," sabi ni Magpili.
Anu-ano nga ba ang sangkap sa paggawa ng banana ketchup, at paano ito inihahanda? Tunghayan sa video. --FRJ, GMA News