Isang 15-years-old na online content creator o Youtuber, nakapagpatayo na ng bahay para sa kaniyang pamilya. Ang halaga ng bahay at lupa, P1.2 milyon.
Sa programang "Unang Hirit," sinabing gumagawa si Love Marie Pugal ng mga character gamit ang isang mobile app, na kaniyang ine-edit at ginagawan ng memes.
Ina-upload niya ang ito sa kaniyang Youtube channel na mayroon na ngayong 182,000 subscribers. Umaabot din sa milyon ang views ng kaniyang mga content.
Ginamit ni Love Marie ang kinita niya sa Youtube para maipagawa ang bahay ng kanilang pamilya.
“Nagsimula po akong mag-video o gumawa ng Youtube chanel dahil sa parents ko, nagsimula po ako nung pandemic. Nalaman ko po na puwede po pa lang kumita around 2020 po,” kuwento ni Love Marie.
“Masaya po kasi nakakatulong na po talaga ko sa magulang ko. Dati po kasi wala po talaga kaming masyadong ginagawa. Ngayon po nakakatulong na po kami sa mga magulang namin,” dagdag niya.
Ipinakita rin ni Love Marie ang iba't ibang bahagi ng kanilang bahay. Bata man o matanda, patunay si Love Marie na basta mayroong sipag at diskarte, posibleng marating ang mga pangarap. --FRJ, GMA News